Daughters of Saint Paul

Marso 19, 2017 LINGGO Ikatlong Linggo ng Kuwaresma

 

Ex 17:3-7 – Slm 95 – Rom 5:1-2, 5-8 – Jn 4:5-42 – (o 4:5-15, 19b-26, 39a, 40-42)

Jn 4:5-42

Dumating siya [Jesus] sa isang bayan ng Samaria na tinatawag na Sikar na malapit sa bukid na ibinigay ni Jacob kay Jose na kanyang anak. Naroon ang bukal ni Jacob. Dala ng pagod sa paglalakbay, basta na lamang naupo si Jesus sa may bukal. Magtatanghaliang -tapat ang oras noon. May dumating na babaeng taga Samaria para sumalok ng tubig at sinabi sa kanya ni Jesus: “Painumin mo ako.”  Pumunta na noon sa bayan ang kanyang mga alagad para bumili ng pagkain.

            Sumagot naman sa kanya ang babaeng Samaritana:  “Judio ka, paano mo mahihingi sa akin na babaeng Samaritana, na painumin kita? (Sapagkat hindi nakikisalamuha ang mga Judio sa mga Samaritano.)  Sinabi ni Jesus sa kanya:  “Kung alam mo ang Kaloob ng Diyos at kung sino ang nagsasabi sa iyong 'Painumin mo ako!  hiningan mo sana siya at bibigyan ka sana niya ng tubig ng buhay.”

            Sinabi sa kanya ng babae: “Wala po kayong panalok at malalim ang balon. Saam po galing ang inyong tubig ng buhay? Mas may kakayahan po ba kayo kaysa aming amang si Jacob? Siya mismo ang nagbigay sa amin ng balon at dito siya uminom pati na ang kanyang mga anak at mga kawan.”

Sumagot si Jesus sa babaeng Samaritana:  “Mauuhaw uli ang sinumang umiinom sa tubig na ito. Ngunit hinding-hindi mauuhaw magpakailanman ang umiinom sa tubig na ibibigay ko sa kanya. Magiging isa ngang bukal sa kanya ang tubig na ibibigay ko, na bubukal tungo sa buhay  sa magpakailanman.”

            Sinabi sa kanya ng babae:  “Ibigay po ninyo sa akin ang tubig na ito nang hindi na ako mauhaw ni magparoo't parito pa para sumalok dito.”

            Sagot sa kanya ni Jesus:  “Ngunit dumarating ang oras at narito na nga, na sa espiritu at katotohanan sasamba sa Ama ang mga totoong sumasamba. Ganito nga ang hangad ng Ama sa mga sumasamba sa kanya. Espiritu ang Diyos, at sa espiritu at katotohanan dapat sumamba ang mga sumasamba sa kanya.

            Sinabi sa kanya ng babae: “Alam kong dumarating ang Mesiyas, ang tinatawag na Pinahiran. At pagdating niya, ihahayag niya sa amin ang tanang mga bagay.”  Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako siya na siyang nangungusap sa iyo.”

            Mula sa bayang iyon, marami ang nagsimulang manalig sa kanya sa mga Samaritano dahil sa salita ng babaeng nagpatunay: “Sinabi niya sa akin ang lahat kong ginawa.”  Kaya pagdating sa kanya ng mga Samaritano, pinakiusapan nila siyang sa kanila lumagi. At lumagi siya roon nang dalawang araw. At mas marami pa ang mga naniniwala dahil sa kanyang salita. At sinabi nila sa babae:  “Hindi na dahil sa'yong pangungusap kaya kami nanalig dahil kami na mismo ang nakarinig, at kinikilala namin na totoo ngang siya ang Tagapagligtas ng mundo.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong narinig natin, magandang bigyang pansin ang pagsalok ng tubig ng Samaritana sa katanghaliang tapat.  Wala kasing pumupunta sa bukal sa ganitong oras.  Umiiwas siya sa mga tao dahil makasalanan siya.  Marami na siyang kinakasamang lalaki at may panibago pa siyang kinakasama.  Kung susuriin natin ang kanyang pamumuhay, tila may hinahanap siyang tubig na makakapatid sa kanyang pagkauhaw.  Pero mali naman ang pinipili niyang tugon.  Kaya nang makita siya ni Jesus sa bukal, at inalok siya ng buhay na tubig, tinanggap niya ito kaagad.  Mas lalo pa siyang nagalak nang sinabi ni Jesus na Siya ang Mesiyas na matagal na niyang hinihintay.  Mga kapatid ngayong panahon ng Kuwaresma, talikdan natin ang mga maling pagkauhaw sa kaligayahan.  Tulad ng pakikiapid na nagiging dahilan ng pagkawasak ng pamilya.  Ganundin ang pagkagahaman sa yaman na wala nang natitira sa mga mahihirap; sa pagkauhaw sa katanyagan na marami ang natatapakan at nasisira ang buhay.  Narito si Jesus na nag-aalok ng tunay at walang-hanggang tubig na buhay.  Sa Kanya, hindi na tayo mauuhaw pa.