LUCAS 2:41-51
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa nga kamag-anakan nila't mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at sa mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanyang ina: ”Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa ang ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.” Ngunit sinabi niya sa kanya: “ At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking ama?” Pero hindi nila naintindihan ang sinabi nila sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa-Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin s kanila. Iningatan naman ng kanyng ina ang lahat ng ito sa kanyang puso. At umunlad si Jesus sa karunungan at edad at kagandahang-loob sa paningin ng Diyos at ng mga tao.
PAGNINILAY:
Mga kapanalig, bata pa si Jesus, alam na niya ang kanyang misyong magpahayag ng mabuting balita. Pero sa tagpo ng Ebanghelyong ating narinig, ang kalooban ng Diyos para sa kanya, mamuhay sa isang pamilya, sa piling nina Maria at Jose na kinikilala niyang mga magulang, kaya sumunod siya sa kanila. Ngayong Kapistahan ni San Jose, kilalanin natin kung sino siya, bilang ama-amahan ni Jesus. Isa siyang napakabait na tao, tahimik, at mapag-aruga. Ginawa niya ang kanyang tungkulin bilang asawa ni Maria at ama ni Jesus. Bilang isang karpentero, sinikap niyang buhayin ang kanyang pamilya sa marangal na paraan. Kung ano man ang narinig niya kay Jesus, di niya ito dinamdam, dahil alam niya ang kanyang papel sa planong pagliligtas ng Diyos. Malalim ang kanyang pananalig sa Diyos simula pa nang nasa sinapupunan ni Maria si Jesus. Nang sa isang panaginip, sinabihan siya ng anghel na ang dinadala ni Maria, Anak ng Diyos at pagsilang niya, tatawagin siyang Jesus. Malugod niyang tinanggap ang kalooban ng Diyos, at ginampanan niya ang kanyang tungkulin nang buong pagmamahal. Si San Jose ang Patron ng buong Simbahang Katolika at matatawag natin siyang isang amang maaasahan sa ating pangangailangan. Hilingin natin na sa tulong-panalangin ni San Jose maprotektahan ang dignidad ng bawat pamilya laban sa masamang puwersang nais sumira nito.
O San Jose, idulog Mo po sa Diyos Ama ang katatagan ng bawat pamilyang Filipino sa pagbata ng mga suliraning kinakaharap nito. Lumago nawa sa pagmamahalan at tunay na pagmamalasakitan ang bawat miyembro ng pamilya, katulad ng iyong pamilya sa Nazaret. Amen.