EBANGHELYO: Mateo 1;16, 18-12, 24a
Si Jacob ang ama ni Jose—ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Ito ang pangyayaring napapaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanyang kasalanan.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay sa Ebanghelyo. Nang malaman ni Jose na nagdadalang-tao si Maria, binalak niyang hiwalayan ito nang palihim. Noon, hindi ko naiintindihan ang binabalak na ito ni Jose. Paano niya maisasalba sa kahihiyan si Maria kung iiwan niya ito at hihiwalayan nang palihim? Hindi ba parang pagtakas naman ang gagawin niya? Pero alam kong hindi iresponsableng tao si Jose kaya hindi ko maintindihan kung bakit naisipan niya iyong gawin. Hanggang marinig ko sa homiliya ng isang pari na kaya pala balak hiwalayan nang lihim ni Jose si Maria, ay dahil gusto niyang akuin ang panghuhusga ng ibang tao. Sa halip na si Maria ang pag-isipan nila ng masama, hahayaan na lang ni Jose na isipin ng ibang tao, na naging pabaya siya at iresponsable, dahil tinakasan niya ang kanyang kasintahang nagdadalang-tao. Sa ganitong paraan, mas maaawa pa ang mga tao kay Maria dahil sa ginawang iyon ni Jose. Hindi hinayaan ng Diyos na isagawa ni Jose ang kanyang binabalak, kaya nagpakita ang anghel upang panatagin ang kanyang naguguluhang puso.
PANALANGIN:
Panginoon, sa mga pagkakataong naguguluhan ang aming puso at isipan dahil sa mga suliraning dumarating sa aming buhay, makatagpo nawa kami ng kapanatagan ng kalooban sa inyong kalinga at pagmamahal. Amen.