Daughters of Saint Paul

MARSO 19, 2021 – BIYERNES SA IKA-4 NA LINGGO NG KUWARESMA | Dakilang Kapistahan ni San Jose, Kabiyak ng Mahal na Birheng Maria

EBANGHELYO: Mt 1:16, 18-21, 24a

Si Jacob ang ama ni Jose—ang asawa ni Maria na siyang pinagmulan ni Jesus na tinawag na Kristo. Ito ang pangyayaring napapaloob sa kapanganakan ni Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanganan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Idineklara ni Papa Francisco ang taong ito bilang taon ni San Jose, ang kabiyak ni Maria, at patron ng mga mangagawa. Isa siya sa mga natatanging santong napapanahon ngayon, dahil sa krisis na dulot ng pandemya. Si San Jose ang kumakatawan sa mga ordinaryo at tahimik na mangagawa, na tumutupad sa kanilang mga tungkulin at responsibilidad, nang may buong pagmamahal at pagsasakripisyo. (Madalas hindi natin sila napapansin, pero sila pa ang may malaking ginagampanang papel sa lipunan. Sa pamamagitan ni San Jose, mas na-highlight ang kanilang marangal na trabaho. Mas nakita natin kung gaano kahalaga ang kanilang payak na hanap-buhay. Si San Jose ang mukha ng mga taong may malaking naitutulong at nagbibigay ng malaking kontribusyon sa lipunan kahit hindi sila kilala, at kahit kakaunti ang kanilang sinasabi. Kaya nga kasabay ng pagpapangaral natin kay San Jose, binibigyang pugay din natin ang lahat ng mga mangagawang nagbubuwis kanilang buhay araw-araw, at patuloy na nagsasakripisyo para sa kanilang mga pamilya at mahal sa buhay, at higit sa lahat upang ang pandemyang ito ay tuluyan nang masugpo.//) Patron din si San Jose ng haligi ng ating mga tahanan—ang ating mga ama. Wala man siyang sinabi ni isang salita sa mga ebanghelyo, makikita naman ang kanyang pagiging mapagmahal, pagiging matapat, at pagiging matiising ama kina Maria at Hesus. Siya ang kumakatawan sa mga tipikal na tatay na tahimik na naglilingkod sa kanilang pamilya, matustusan lamang ang espirituwal at pisikal na pangangailangan ng kanilang pamilya. Isa ring mahinahong tatay si San Jose na gumagabay sa paglaki ng kanyang anak. At higit sa lahat, si San Jose ay isang amang may dalisay na puso’t isipan. Mapapansin ang busilak na puso ni San Jose matapos niyang sundin ang sinabi ng anghel sa kanya. Hindi niya ginalaw si Maria hanggang sa maipanganak si Hesus. Nanatiling tapat siya sa kanyang pangako at tungkulin.// Mga kapatid, inaanyayahan tayong lahat na tuluran si San Jose. Lahat tayo ay inaanyayahang maging haligi ng ating pamilya, ng ating pamayanan. Tulad ni san Jose, lahat tayo ay tinawag na maging tatay sa pamamagitan ng pagiging matapat sa ating responsibilidad at mga tungkulin. At tulad ni San Jose, lahat tayo ay tinawag ding maging kaisa ni Maria at ni Hesus upang dumaloy sa ating buhay ang isang busilak na puso at isipan.  Amen.