Daughters of Saint Paul

MARSO 2, 2018 BIYERNES SA IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

 

MATEO 21:33-43, 45-46

Sinabi ni Jesus sa mga Punong-pari at mga Matatanda ng mga Judio: Makinig kayo sa isa pang halimbawa: May isang may-ari ng bahay na nagtanim ng ubasan; binakuran ang paligid nito, humukay para sa pisaan ng ubas, at nagatayo ng toreng bantayan. Pinaupahan niya ang ubasan sa mga magsasaka at naglakbay sa malayo. Nang malapit na ang panahon ng anihan, pinapunta ng may-ari ang kanyang mga katulong sa mga magsasaka para kubrahin ang kanyang bahagi sa ani. Ngunit sinunggaban ng mga magsasaka ang kanyang mga katulong, binugnog ang isa, pinatay ang iba at binato ang ilan. Nagpadala uli ang may-ari ng marami pang katulong pero ganoon din ang ginawa ng mga magsasaka sa kanila. Sa bandang huli, ipinadala na rin niya ang kanyang anak sa pag-aakalang 'Igagalang nila ang aking anak.' Ngunit nang makita ng mga magsasaka ang anak, inisip nilang 'Ito ang tagapagmana. Patayin natin siya at mapapasaatin ang kanyang mana.' Kaya sinunggaban nila siya, at pinalayas sa ubasan at pinatay. Ngayon, pagdating ng may-ari ng ubasan, ano ang gagawin niya sa mga magsasaka?” Sinabi nila sa kanya: “Hindi niya kaaawaanang masasamang taong iyon; pupuksain niya ang mga iyon at pauupahan ang ubasan sa ibang magsasakang magbibigay ng kanyang kaparte sa anihan.” At sumagot si Jesus: “hindi ba ninyo nabasa sa Kasulatan? 'Naging panulukang bato ang tinanggihan ng mga tagapagtayo. Gawa ito ng Panginoon; at kahanga-hanga ang ating nakita.' Kaya  sinasabi ko sa inyo: aagawin sa inyo ang Kaharian ng Diyos at ibibigay sa isang bayang makapaglalago nito. Nang marinig ng mga Punong-pari at nga Pariseo ang mga talinhagang ito, naunawaan nila na sila ang pinatutungkulan ni Jesus. Huhulihin na sana nila siya ngunit natakot sila sa mga tao na kumikilala sa kanya bilang propeta.

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, ang anak na pinatay sa talinhagang ating narinig, imahen ng Panginoong Jesus na itinakwil, pinahirapan at ipinako sa Krus.  Siya ang naging panulukang bato ng bagong Templong itinayo, ang Simbahang magpapatuloy sa misyong Kanyang sinimulan.  Bilang mga tagasunod ng Panginoong Jesus, hindi natin maiiwasang humarap sa mga kontrobersya at mga pag-uusig na dumarating sa ating buhay.  Ang mga santo at santa ng ating Simbahan, na nag-alay ng kanilang buhay upang sundin lamang ang kalooban ng Panginoon, patuloy na nagbibigay ng tibay ng loob at inspirasyon sa ating lahat.  Hingin natin ang katatagan ng pananampalatayang masundan ang kanilang yapak sa pagsunod sa kalooban ng Diyos.  Panginoon, pagkalooban Mo po ako ng matatag na pananampalatayang mapanindigan ang Iyong mga turo, sa kabila ng mga pagsalungat at pag-uusig na aking mararanasan sa pagsabuhay nito.  Amen.