EBANGHELYO: Mateo 25:31-46
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Pagdating ng Anak ng Tao sa kanyang Kaluwalhatian kasama ang lahat niyang mga anghel, uupo siya sa maluwalhati niyang trono. Dadalhin sa harap niya ang lahat ng bansa at parang isang pastol na inihihiwalay niya ang mga tupa sa mga kambing, gayundin niya paghihiwalayin ang mga tao. Ilalagay niya ang mga tupa sa kanan niya at ang mga kambing sa kaliwa. Sasabihin ng Hari sa mga nasa kanan niya: ‘halikayo, pinagpala ng aking Ama! Manahin ninyo ang kahariang inihanda para sa inyo mula pa sa simula ng daigdig. Sapagkat nagugutom ako at inyong pinakain, nauhaw ako at inyong pinainom. Naging dayuhan ako at pinatuloy n’yo ako. Nang ako’y hubad dinamitan ninyo ako; nang may sakit ako, binisita ninyo ako. Nang ako’y nasa bilangguan, dinalaw ninyo ako.’ “At itatanong sa kanya ng mabubuti; ‘Panginoon, kailan ka namin nakitang nagugutom at pinakain, nauuhaw at pinainom, isang dayuhan at pinatuloy, at walang suot at dinamitan? Kailan ka naming nakitang maysakit o nasa bilangguan at nilapitan? Sasagutin sila ng Hari: ”Talagang sinasabi ko sa inyo: anuman ang gawin ninyo sa isa sa maliliit na ito na mga kapatid ko, sa akin ninyo ginawa.’ Pagkatapos ay sasabihin naman niya sa mga nasa kaliwa niya: ‘Mga isinumpa, lumayas kayo sa harap ko papunta sa apoy na walang katapusan na inihanda para sa diyablo at sa mga anghel nito! Sapagkat nagutom ako at di n’yo ko binigyan ng makakain, nauhaw at di ninyo ko pinainom, naging dayuhan ako at di ninyo pinatuloy, maysakit at nasa bilangguan at di n’yo binisita. Kaya itatanong din nila: “Panginoon kalian ka namin nakitang nagugutom , nauuhaw, dayuhan, hubad, maysakit o nakabilanggo at di namin pinaglingkuran? Sasagutin sila ng hari: “Talagang sinasabi ko sa inyo anuman ang hindi ninyo ginawa sa isa sa maliliit na ito, hindi niyo ginawa sa akin.” “At pupunta ang mga ito sa walang hanggang parusa, ngunit sa walang hanggang buhay naman ang mga makatarungan.”
PAGNINILAY:
(Mula sa panulat ni Seminarian John Renzo Muega ng Diocese of San Pablo ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.) Isa siguro sa mga mahirap gawin, ang mag-adjust sa mga pagbabago. Sa Mabuting Balita ngayon, tila mayroong binago si Hesus sa mga utos ng Diyos. Bukod sa pagsunod sa kautusan, nililinaw ni Hesus na hindi sapat ang mga ito, kung walang pagmamahal na makikita sa gawa. Ipinapahiwatig nito na si Hesus, ang bagong Moises na nagbibigay ng bagong utos – ang batas ng pag-ibig na higit sa lahat. Ngayong panahon ng Kuwaresma, inaanyayahan tayo ng Panginoong Hesus na pagindapatin ang ating mga sarili para sa Kaharian ng Diyos. Paano? Pakainin ang mga nagugutom, alagaan ang mga maysakit, damitan ang hubad, bisitahin ang mga nasa bilangguan at iba pang gawain ng pag-ibig alang-alang sa kabutihan ng ating kapwa at sa kapurihan ng Diyos. Hilingin natin sa Diyos ang biyayang makatugon sa panawagang ito, Amen.