Daughters of Saint Paul

MARSO 2, 2021 – MARTES SA IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Mt 23:1-12

Sinabi ni Jesus sa mga tao at sa kanyang mga alagad: “Ang mga guro ng Batas at mga Pariseo ang umupo sa puwesto ni Moises. Pakinggan at gawin ang lahat nilang sinasabi subalit huwag silang pamarisan sapagkat nagsasalita sila pero hindi naman ginagawa. Naghahanda sila ng mabibigat na pasanin at ipinapatong sa mga balikat ng mga tao. Ngunit hindi nila ikinikilos ni isang daliri para galawin ang mga iyon. Pakitantao lamang ang lahat nilang ginagawa; dahil dito, malalapad na laso ng Kasulatan ang gusto nila para sa kanilang noo, at mahahabang palawait sa kanilang balabal. Gusto nilang mabigyan ng pangunahing lugar o upuan sa mga piging at sa sinagoga. Ikinatutuwa rin nilang mabati sa mga liwasan at matawag na guro ng mga tao. “Huwag kayong patawag na ‘guro’ sapagkat iisa lamang ang Guro ninyo at magkakapatid kayong lahat. Huwag din ninyong tawaging  ‘ama’ ang sinuman sa mundo sapagkat iisa lamang ang inyong Ama, siya na nasa Langit. Huwag din kayong patawag na ‘gabay’ sapagkat iisa lamang ang inyong Patnubay, si Kristo. Maging alipin ninyo ang pinakadakila sa inyo. Sapagkat ibababa ang magpapakataas at itataas ang nagpapakababa.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. VG Gungon ng Pastorelle Sisters ang pagninilay sa Ebanghelyo. Gumagawa ka ba ng mabuti upang mapansin? Nino? Ng ibang tao upang papurihan? O ng Diyos na nakababasa ng iyong kalooban?// Sa ating Mabuting Balita sa araw na ito, muli tayong pinapaalalahanan ng Diyos na ang pag-gawa ng kabutihan, ang tunay na paglilingkod at ang tunay na kabanalan ay hindi naghahangad na kalugdan at papurihan ng ibang tao. Ginagawa natin ang mga bagay na kailangang tugunan ayon sa pangangailangan ng ating kapwa. Sa panahon ng pandemya marami ang lumalapit sa atin upang humingi ng tulong. Paano tayo tumutugon? Suriin natin ang ating motibo, kung bakit natin ginagawa ang pagtulong sa ating kapwa. Mga kapatid, ang pagsasabuhay ng ating pananampalataya kalakip ang pagtulong sa kapwa ay magiging   makabuluhang daluyan ng biyaya para sa ating mga tagasunod ni Kristo.  

PANALANGIN

Panginoon, ang Iyong Salita ay buhay at nagbibigay buhay. Salamat sa liwanag na ipinagkaloob mo sa amin. Nawa ang Iyong Salita ang aming panghawakan, upang ang aming pag-gawa at pagtulong sa kapwa’y di pakitang tao lamang. Amen.