Daughters of Saint Paul

MARSO 2, 2024 –  Sabado sa Ikalawang Linggo ng Kuwaresma

EBANGHELYO: Lucas 15:1-3,11-32

…Kaya sinabi ni Jesus ang talinhagang ito sa mga Pariseo at mga guro ng Batas: “May isang taong may dalawang anak na lalaki. Sinabi ng bunso sa kanyang ama: ‘Itay, ibigay na n’yo sa akin ang parte ko sa mana.’ At hinati sa kanila ng ama ang ari-arian. “Pagkaraan ng ilang araw, tinipon ng bunsong anak ang lahat ng kanya at naglakbay sa malayong lupain. Doon niya winaldas ang sa kanya sa maluwag na pamumuhay. Nang maubos na ang lahat sa kanya nagkaroon ng matinding taggutom sa lupaing ‘yon at nagsimula siyang maghikaos..  “Noon siya natauhan at nag-isip: ‘Gaano karaming arawan sa bahay ng aking ama na labis-labis ang pagkain at namamatay naman ako dito sa gutom. Titindig ako, pupunta sa aking ama at sasabihin ko sa kanya: ‘Itay nagkasala ako laban sa Langit at sa harap mo… “Kaya tumindig siya papunta sa kanyang ama.  Malayo pa siya mga utusan: ‘Madali, dalhin n’yo ang dati niyang damit at ibihis sa kanya… sapagkat namatay na ang anak kong ito at nabuhay, nawala at natagpuan.’ At nagsimula silang magdiwang… “Nagalit ang panganay at ayaw pumasok kaya lumabas ang ama at naki-usap sa kanya… “Sinabi sa kanya ng ama: ‘Anak, lagi kitang kasama at sa iyo rin ang lahat ng akin. Pero dapat lamang na magdiwang at magsaya dahil namatay na ang kapatid mo at nabuhay, nawala at natagpuan.’”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Fr. Oliver Par ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Narinig natin ang akusasyon kay Hesus ng mga Pariseo at eskriba: “Nakikisalamuha si Hesus sa mga makasalanan at nakikisalo pa sa kanilang pagkain.” Para kasi sa Hudyo noong panahon ni Hesus, ang pakikisalo sa pagkain ay ginagawa lamang ng mga magkakaibigan at magkakapamilya.” Ibig sabihin ba nito’y pamilya at kaibigan ang turing ni Hesus sa mga makasalanan? Oo, yun nga. Ang talinhagang narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ay isang patunay, na kahit ang may pinakamalaking kasalanan sa mundo, ay may puwang sa puso ng Diyos. Dahil Diyos ang lumikha sa atin, alam niyang sa likod ng ating mga kasalanan ay isang pusong naghahanap kagalingan, liwanag, yakap, at pagmamahal ng Diyos. 

PANALANGIN

Ama, salamat sa hindi pagsuko sa amin. Patuloy mo kaming minamahal sa kabila ng aming paulit-ulit na kasalanan. Turuan mo kaming magbago at magbalik-loob sa’yo. Amen.