Daughters of Saint Paul

Marso 2, 2025 -Linggo ng Ika-8 Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo: LUCAS 6,39-45

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad ang isang talinghaga: “Puwede nga kayang akayin ng isang bulag ang isa pang bulag? Di ba’t kapwa sila mahuhulog sa kanal? Hindi hihigit sa kanyang guro ang alagad. Magiging katulad ng kanyang guro ang ganap na alagad. Bakit mo tinitingnan ang puwing sa mata ng iyong kapatid? At di mo pansin ang troso sa iyong mata. Paano mo masasabi sa iyong kapatid: ‘Kapatid, pahintulutan mong alisin ko ang puwing sa mata mo,’gayong hindi mo nga makita ang troso sa mata mo? Mapagkunwari! Alisin mo muna ang troso sa mata mo, at saka ka makakakitang mabuti para alisin ang puwing sa mata ng kapatid mo.” Hindi makapamumunga ng masama ang mabuting puno, at ang masamang puno nama’y hindi makapamumunga ng mabuti. Nakikilala ang bawat puno sa bunga nito. Hindi makapipitas ng igos mula sa tinikan ni makaaani ng ubas mula sa dawagan. Naglalabas ang taong mabuti ng mabuting bagay mula sa yaman ng kabutihan sa kanyang puso; ang masama nama’y naglalabas ng masamang bagay mula sa kanyang kasamaan. At umaapaw nga mula sa puso ang sinasabi ng bibig.

Pagninilay:

 May kasabihan tayo, “Kung ano ang puno, siya rin ang bunga.” Kung mabuti ang pinagmulan, tiyak na mabuti rin ang kinalalabasan. Sa araw na ito ipinapaalala sa atin ng Ebanghelyo ang halaga ng ating mga ugnayan. Ang bawat ugnayan na mayroon tayo ay nagpapakita kung ano tayo. Ipinakikita ng ating ugnayan ang ating pagkakakilanlan. Mayroong kasabihan sa Ingles na “Tell me who your friends are and I will tell you who you are.” Kung naka-ugnay tayo sa mabubuting tao, marahil mabuti rin tayo. Kung masisipag ang ating kasama, malamang sisipag rin tayo. Ngunit kung puro negatibo, masama at marahas ang ating mga kasama, hindi malayo na mapariwara tayo.

Kapanalig, mahalaga ang malinaw na pagpili kung kanino tayo maiuugnay. Bagama’t hindi maikakahon ang ating pagkatao sa lahat ng ating kasama, nakakaimpluwensiya sila sa ating paglago bilang tao. Sa mundong ating ginagalawan na napaliligiran ng mga hindi kanais-nais o hindi mabubuting impluwensiya, importante na piliing mabuti kung kanino tayo sasama. Masugid tayong inaanyayahan ng Panginoon na maging bahagi ng Kanyang kawan. Bilang Krsitiyano, si Kristo ang puno at tayo ang mga sanga. Sa Kanya nakadugtong ang ating pag-iral at pagkakakilanlan. Siya ang ulo at tayo ang katawan. Ang ating ugnayan sa Kanya, ang ating pakikipag-usap, ang pag-ibig sa Kanya ang magdudulot ng tiyak na paglago, pagyabong ng hitik at mayamang bunga. Araw-araw, piliin nating mapa-igting ang ugnayan kay Hesus. Sa gayon, mapapanibago tayo araw-araw hanggang sa maging ganap na kawangis at katulad tayo ni Kristo.