Daughters of Saint Paul

MARSO 20, 2018 MARTES SA IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA

JUAN 8:21-30

Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo: “Aalis ako at hahanapin n'yo ako, at sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Hindi nga kayo makaparoroon kung saan ako pupunta.” Kaya sinabi ng mga Judio: “Bakit kaya niya sinabing 'Kung saan ako pupunta, hindi kayo makakaparoon?' Magpapakamatay kaya siya?” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Mula kayo sa ibaba; mula naman ako sa itaas. Kayo'y mula sa mundong ito; hindi ako mula sa mundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Mamamatay nga kayong taglay ang mga kasalanan n'yo kung hindi kayo maniniwala na Ako Siya.” At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sinabi ko na sa inyo noon pa. Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagsugo sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya- ito ang binibigkas ko sa mundo.” Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Jesus: “Kapag inyong itinaas ang Anak ng Tao, matatalos n'yo na Ako Siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili kundi ayon sa iniaral sa akin ng Ama, ito ang aking binibigkas. Kasama ko nga ang nagsugo sa akin at hindi niya ako binabayaang nag-iisa sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.” Nang sabihin ito ni Jesus, marami ang naniwala sa kanya.

PAGNINILAY:

Sa tagpo ng Ebanghelyong narinig natin, bulag pa rin ang mga Pariseo sa tunay na pagkakakilanlan ni Jesus.  Hindi pa rin nila maunawaan ang Kanyang sinasabi. Kung kaya’t patuloy ang pagpapakilala ni Jesus kung sino Siya at kung ano ang Kanyang relasyon sa Ama.  Mula Siya sa Ama, kapiling Niya ang Ama at ginagawa Niya lamang kung ano ang kalugod-lugod sa Ama.  Hindi Siya pinapaniwalaan ng mga Judio dahil sila’y mula sa mundong ito, habang si Jesus hindi nagmula sa mundong ito.  Patuloy pang ipinakilala ni Jesus ang Kanyang sarili nang magsalita Siya tungkol sa Anak ng Tao na itinaas.  Tumutukoy ito sa pagpapako sa Kanya sa krus at ang pagluwalhati sa Kanya ng Ama.  Kaisa si Jesus ng Ama sa gawaing pagliligtas.  Siya ang Tagapagligtas ng mundo.  Mga kapanalig, hangad ng Panginoong Jesus ang ating pananampalataya sa katotohanang Kanyang ibinunyag.  Tanggapin natin ito at maniwala sa Kanya.  Pagmasdan natin Siyang nakabayubay sa krus dahil ito ang sukatan nang dakilang pagmamahal Niya sa atin.  Manalangin tayo.  Panginoon, maraming salamat po sa dakilang pagmamahal na inialay Mo sa akin, sa kabila ng aking mga pagkukulang at mga kasalanan.  Dagdagan Mo po ang aking pananampalataya.  Pagindapatin Mo po akong maging marapat na daluyan ng Iyong pagmamahal  sa aking kapwa.  Amen.