EBANGHELYO: Marcos 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Jesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus: “Ito ang una: ‘Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong nating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa nang buo mong pag-iisip at nang buong mong lakas. At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa sa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
PAGNINILAY:
(Mula sa panulat ni Seminarian Enzo Bandillon ang pagninilay sa Ebanghelyo.) Sa Ebanghelyongayon, narinig natin ang paraan ng Panginoong Hesus upang maipaintindi sa atin ang kahulugan ng mga kautusan. Ang tunay na mensahe ng sampung utos, ay maaring lagumin sa dalawang interpretasyon, at ito ang pag-ibig sa Diyos nang higit sa lahat, at pag-ibig sa kapwa gaya ng sarili. Wala nang hihigit pa sa pag-ibig ng Diyos sa bawat isa sa atin. Siya ang Diyos ng pag-ibig, ang unang nagmahal sa atin, kahit noong tayo’y makasalanan pa. Sa Kanyang walang hanggang pag-ibig sa atin, lumalago rin tayo sa pag-ibig, at natututo rin tayong magmahal sa ating kapwa. Mga kapanalig, lahat tayo ay nilalang ng Diyos, at sa kanyang mata tayo ay pantay-pantay. Iisa lang ang hinihiling sa atin ng Panginoong Hesus, na tayo’y mamuhay sa pagmamahalan, sa pag-ibig. Wag natin isara ang ating kaisipan sa mga batas o utos na labag sa diwa ng tunay na pagmamahal. Kung tayo ay kumikilos dahil sa pag-ibig, kailanman, hindi tayo makakagawa ng kamalian, sa batas man ng Diyos o sa batas ng tao.
PANALANGIN:
Panginoon tulungan Mo po akong lumago sa pagmamahal, Sayo higit sa lahat, at sa aking kapwa gaya ng sarili sa aking pakikitungo sa kapwa, lagi ko nawang alalahanin na it is better to be kind, than to be right. Amen!