Daughters of Saint Paul

MARSO 20, 2022 – IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA

Purihin ang Diyos sa pagpasok natin sa Ikatatlong  Linggo ng Kuwaresma. Pasalamatan natin Siya sa walang sawang pasensya sa atin.   Paulit-ulit Niya tayong binibigyan ng pagkakataon. Hindi Niya tayo sinusukuan.    Ito ang matunog na mensahe ng Mabuting Balita ngayon. Patuloy ang pagbibigay Nya ng pagkakataon upang magbalik-loob sa kanya. Ito ang isinasadiwa sa atin ng talinhaga ng isang punong igos na hindi namumunga.   Ako po si Sr. Gemma Ria ng Daughters of St. Paul, kasama ninyo sa pagpapaubaya ng puso sa Diyos sa pagbibigay-dangal sa Mabuting Balita ayon kay San Lukas  sa ika-labintatlong kabanata, unang talata hanggang siyam. 

EBANGHELYO: LUCAS 13: 1-9

Dumating ang ilang tao na nagbalita kay Hesus ng nangyari sa Templo. Ipinapatay nga ni Pilato ang mga taga-Galilea at nahalo ang kanilang dugo sa mga handog nila. Sinabi ni Hesus sa kanila: “Sa akala ba ninyo’y mas makasalanan ang mga taga-Galileang iyan kaysa lahat ng mga taga-Galilea dahil sila ang nagdusa? Hindi. At sinasabi ko sa inyo: kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat. Gayon din naman sa namatay na labingwalong taong nabagsakan ng tore sa Siloe, sa akala ba ninyo’y mas may utang sila sa Diyos kaysa lahat ng naninirahan sa Jerusalem? Sinasabi ko: hindi, ngunit kung hindi kayo magbabago, mapapahamak din kayong lahat.” At sinabi ni Hesus ang talinhagang ito: “May taong may isang puno ng igos sa kanyang ubasan. At pumunta s’ya upang maghanap ng mga bunga subalit wala s’yang nakita. Kaya sinabi n’ya sa nag-aalaga ng ubasan: ‘Tatlong taon na akong pumaparito sa paghahanap ng mga bunga sa punong-igos na iyan at wala akong nakita. Putulin mo ‘yan at pampasikip lamang sa lupa.’ Ngunit sumagot sa kanya ang tauhan: ‘Ginoo, pabayaan mo na s’ya ngayong taon. Maghuhukay ako sa paligid nito at lalagyan ng pataba. Baka sakaling mamunga s’ya, ngunit kung hindi’y saka mo s’ya putulin.’”

PAGNINILAY

Tawag ng pagsisisi. Tawag ng pagbabalik-loob. Tawag ng pagtalikod natin sa mali nating nakakasanayan. Sa puno ng igos na binigyan ng last chance ng may-ari ang puno ng igos dahil sa pakiusap ng tagapag-alaga. Paalala sa atin ito na paulit-ulit tayong binibigyan ng chance ng Diyos na magbago. Ano ba ang nangyari sa puno ng igos? Hindi siya makapagbigay ng bunga. Matagal na panahon, hindi niya nagawa ang dapat niyang gawin. May inaasahan ang nagmamay-ari sa kanya, binibimbin niya. Sayang. Ito nga ang pakiramdam ng may-ari. Nanghinayang sa mga pagkakataon na hindi nya na-maximize. Hindi niya pinahalagahan. Kumusta ang pagbibigay natin ngayong Kuwaresma? Bukas ba sa ating loob? Kumusta ang quality ng iyong pagtulong? Panahon ngayon ng pagbibigay lalo na sa may matindi ang pangangailangan. Naibigay mo ba ang nararapat sa kanila? O nakasanayan mong humalukipkip at walang ginagawa?