Daughters of Saint Paul

MARSO 20, 2024 –  Miyerkules sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma          

EBANGHELYO: Jn 8:31-42

Sinabi ni Jesus sa mga Judiong naniwala sa kanya: “Kung mananatili kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at malalaman ninyo ang katotohanan, at magpapalaya sa inyo ang katotohanan.” Sumagot sila sa kanya: “Binhi kami ni Abraham at hindin-hindi kami nagaalipin kaninuman. Paano mo masasabing ‘Palalayain kayo?’ Sumagot sa kanila si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na alipin ng kasalanan bawat gumagawa ng kasalanan. Ngunit hindi mamamalagi kailanman ang alipin sa bahay. Ang anak ang mamamalagi kailanman. Kaya kung Anak ang nagpapalaya sa inyo, totoong magiging malaya kayo. Alam kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit hangad ninyo akong patayin, sapagkat walang lugar sa inyo ang aking salita. Ang nakita ko sa Ama ang sinasabi ko, at ang narinig ninyo mula sa inyong ama ang inyo namang ginagawa.” Kaya sumagot sila sa kanya: “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, ang mga gawa ni Abraham ang inyo sanang paggagawain. Ngunit ngayon ay hangad ninyo akong patayin, na taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Hindi ito gawa ni Abraham, mga gawa nga ng inyong ama ang inyong ginagawa.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Kami ay hindi mga anak sa labas. May isang ama lamang kami–ang Diyos.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung ang Diyos nga ang inyong ama, mamahalin sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako galing, at ako’y pumarito. Dumating ako hindi sa ganang sarili ko, kundi siya ang nagsugo sa akin.”

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  (May isa akong kaibigan na nagreveal sa akin ng lihim, ng kanyang tunay na estado sa buhay. Hindi ito alam ng iba naming kaibigan. Minsan, nasukol sya, sa dami ng tanong ng isa pa naming kaibigan, kaya nagdesisyon syang sabihin na ang totoo, dahil aniya kapag hindi nya sasabihin ang totoo, marami pa syang kasinungalingang sasabihin. Natuwa ako sa kanyang desisyon, kaya tinawag ko ang isa pa, upang mapakinggan ang kanyang rebelasyon.) Kapatid, ang taong nabubuhay sa kasinungalingan, ay hindi malaya. Kailangan niyang magtagni tagni ng maraming kasinungalingan, upang pagtakpan ang isang kasinungalingan. Samantalang ang pagsasabi ng katotohanan ay nagpapalaya at nagpapagaan ng pakiramdam. (Hindi naman masama, at lalong hindi naman kasalanan ang lihim ng kaibigan ko, pero kapag hindi pa nya sinabi ang totoo, kakailanganin nyang magtagni tagni ng maraming kwentong kasinungalingan, upang sagutin ang mga tanong tungkol sa kanyang personal na buhay.) Sa ating Mabuting Balita ngayon, ipinahayag ni Hesus na ang pagpapanatili sa kanyang salita ang magdadala sa atin tungo sa pagiging tunay Nyang alagad. Kapag babad tayo sa salita ng Diyos, walang puwang ang kasinungalingan sa buhay natin dahil si Hesus ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Kapatid, sa panahon ngayon na laganap ang fake news sa social media, higit nating kailangang manindigan sa katotohanan. Kung alam natin ang totoo, magsalita tayo at manindigan gaya ni Hesus kahit hindi sya pinaniwalaan ng mga Hudyo. Maaari tayong ma-bash at usigin ng mga bayarang trolls, pero kung magpapatalo tayo sa takot higit na mamamayagpag ang mga kampon ng hari ng kasinungalingan. Hahayaan ba natin sila?