JUAN 8:31-42
Sinabi ni Jesus sa mga Judiong naniwala sa kanya: “Kung mananatili kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at malalaman ninyo ang katotohanan, at magpapalaya sa inyo ang katotohanan.” Sumagot sila sa kanya: “Binhi kami ni Abraham at hindin-hindi kami nagaalipin kaninuman. Paano mo masasabing 'Palalayain kayo?' Sumagot sa kanila si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na alipin ng kasalanan bawat gumagawa ng kasalanan. Ngunit hindi mamamalagi kailanman ang alipin sa bahay. Ang anak ang mamamalagi kailanman. Kaya kung Anak ang nagpapalaya sa inyo, totoong magiging malaya kayo. Alam kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit hangad ninyo akong patayin, sapagkat walang lugar sa inyo ang aking salita. Ang nakita ko sa Ama ang sinasabi ko, at ang narinig ninyo mula sa inyong ama ang inyo namang ginagawa.” Kaya sumagot sila sa kanya: “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, ang mga gawa ni Abraham ang inyo sanang paggagawain. Ngunit ngayon ay hangad ninyo akong patayin, na taong nagsasabi sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Hindi ito gawa ni Abraham, mga gawa nga ng inyong ama ang inyong ginagawa.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Kami ay hindi mga anak sa labas. May isang ama lamang kami – ang Diyos.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung ang Diyos nga ang inyong ama, mamahalin sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako galing, at ako'y pumarito. Dumating ako hindi sa ganang sarili ko, kundi siya ang nagsugo sa akin.”
PAGNINILAY:
Kapanalig, ano ba para sa’yo ang pagiging tunay na malaya? Ito ba ang kalayaang gawin, ano man ang naisin mong gawin? o ito’y isang uri ng kalayaan na sumusulong ng kabutihan at katotohanan? Naitanong ko ito dahil sa panahon natin ngayon tila nalilito na ang marami sa tunay na kahulugan ng kalayaan. Lalo na’t nagiging panuntunan na ng karamihan ang relativismong pananaw, na wala ng pinanghahawakang ganap na katotohanan kundi kung ano sa tingin n’ya ang tama. Freedom of choice at freedom of expression ang tawag nila dito; na sumusulong sa kaisipan na “anuman sa tingin ko ang tama, walang makapipigil sa akin.” Ito rin ang nasa ilalim ng kaisipang sumusulong sa same sex marriage, pagsasa-legal ng contraception, divorce, abortion at euthanasia – all in the name of Freedom of choice and Freedom of Expression. Mga kapanalig, tunay na nakababahala ang umiiral na kaisipang ito. Kaya napapanahon ang paalala ng Panginoon sa Ebanghelyo na ating unawain ang tunay na konsepto ng kalayaan. Anumang kalayaan na resulta ng kasinungalingan at nagbubunga ng kasamaan, hindi pagiging tunay na malaya, kundi pagiging alipin ng kasalanan. Muli tayong pinapaalalahanan ng Panginoong Jesus sa Ebanghelyo na kapag isinabuhay natin ang Kanyang Salita, tunay na magiging malaya na tayo. Batid natin ang katotohanan na si Jesus ang Anak ng Diyos. Kung tunay nga lamang na kinikilala ng mga Judio noon na ang Diyos kanilang Ama, ganoon din sana ang pagmamahal na ipinakita nila kay Jesus. Hanggang ngayon, marami pa rin ang nananatiling bulag sa katotohanan at kumikilos nang walang kinikilalang Diyos. Buksan nawa natin ang ating mga mata upang masilayan ang katotohanan na si Jesus ang Mesiyas. Huwag nating sayangin ang pagkakataong magpatotoo kung sino si Jesus sa buhay natin.