Daughters of Saint Paul

MARSO 21, 2021 – IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Jn 12:20-33

May ilan sa mga Griegong umahon upang sumamba sa piyesta. Kaya lumapit sila kay Felipe na taga-Betsaida, Galilea, at tinanong nila s’ya, “Ginoo, gusto naming makita si Jesus.” Umalis si Felipe at kinausap si Andres, lumapit sina Andres at Felipe at kinausap si Jesus. Sinabi naman ni Jesus sa kanila, “Dumating na ang oras upang luwalhatiin ang Anak ng Tao. Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: nanatiling nag-iisa ang butil ng trigo kung hindi ito mamamatay pagkahulog sa lupa. Ngunit kung mamatay man ito, maraming bunga ang idinudulot nito. Nagpapahamak ng kanyang sarili ang umiibig dito, ngunit iniingatan nito para sa buhay na walang hanggan ng napopoot sa kanyang sarili dito sa mundo.  Sundan ako ng naglilingkod sa akin at kung nasaan ako naroon din ang taga-paglingkod ko. Kung may maglilingkod sa akin, pararangalan s’ya ng Ama. Ngayon nababagabag ang kaluluwa ko. Sasabihin ko bang, ‘Ama, iligtas mo ako mula sa hatid ng oras na ito? Ngunit dahil dito kaya ako dumating sa oras na ito. Ama, luwalhatiin mo ang iyong ngalan.’” Kaya may tinig na nagmula sa langit, “Niluluwalhati ko at muli kong luluwalhatiin.” Kaya pagkarinig ng mga tao, sinabi nila, “Kumulog!” Sinabi naman ng iba, “Nangusap sa kanya ang isang anghel!” Sumagot si Jesus, “Hindi dahil sa akin kaya ito ipinarinig, kundi dahil sa inyo.  Ngayon hinuhukuman ang mundong ito. Ngayon itataboy sa labas ang pinuno ng mundong ito. At kapag itinaas ako mula  sa lupa, hihilahin ko sa akin ang lahat.” Sinabi ito ni Jesus upang ipahiwatig ang uri ng kamatayang susuungin n’ya.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Cl. Vinz Anthony Aurellano ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Habang lumalapit na ang mga Mahal na araw, tinatawagan tayo sa mas malalim na pagninilay sa Misteryo Paswal ng Panginoong Hesus. Sa Kanyang krus at pagpapakasakit, tuluyang ibababa, huhubarin, at ilulublob ni Hesus ang kanyang pagka-Diyos upang iahon tayo sa kasalanan. Sa Kanyang krus at pagpapakasakit, bibigyang kahulugan ni Hesus ang walang-hanggang pag-ibig ng Ama sa kanyang sangnilikha. Sa Kanyang muling pagkabuhay, bibigyan Nyang kaganapan ang kanyang mga pangako noong una… (Sa pagkamatay ni Hesus sa krus, bubuksan niya ang langit at doo’y unang isasama si Dimas, ang magnanakaw na unang pinangakuan ng Diyos ng paraiso. Bibigyang pag-asa at aliw ang mga sumasampalataya at naglalakbay pa sa mundong ibabaw hanggang maging ganap ito sa kanyang muling pagdating sa wakas ng panahon.)  Ito ang tinatawag niyang “oras ng kanyang luwalhati” ang kanyang marapat daanan. Sabi nga sa Unang sulat ni San Pedro: Magalak tayong makiisa sa kanyang pagpapakasakit, sapagkat nakatitiyak akong mas magagalak tayong makikiisa sa kanyang luwalhati.” Amen.