Daughters of Saint Paul

MARSO 21, 2022 – LUNES SA IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA

Isang mabiyayang araw ng Lunes sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma . Dakilain ang mahabagin nating Diyos! Naranasan mo na bang ipagtabuyan? Sa salita man o sa kilos na nagtulak sa iyo palabas? Si Sr. Gemma Ria po ito ng Daughters of St. Paul, ang kapwa n’yo naghahangad na mapabuti ang buhay  sa pamamagitan ng pakikinig at pagninilay ng Mabuting Balita. Tampok sa pagbasa ngayon ang pagreject kay Hesus ng Kanyang mga kababayan. Hindi nila kasi  kayang tanggapin ang binanggit Niyang bago sa kanilang pandinig. Pakinggan natin ang kabuuan ng kuwento  ayon kay San Lukas kabanata apat, talata dalawampu’t apat hanggang tatlumpu.  

EBANGHELYO: LUCAS 4: 24-30

Pagdating ni Hesus sa Nazaret, sinabi niya sa lahat ng nasa sinagoga: “Talagang sinasabi ko: walang propetang katanggap-tanggap sa sarili niyang bayan. Tinitiyak ko sa inyo na maraming biyuda noon sa kapanahunan ni Elias nang sarhan ang Langit sa loob ng tatlo’t kalahating taon at nagkaroon ng matinding taggutom sa buong lupain. Gayon pa ma’y hindi ipinadala si Elias sa isa man sa kanila kundi sa biyuda ng Sarepta sa may Sidon. Marami ring may ketong sa Israel sa kapanahunan ni Propeta Eliseo pero wala sa kanilang pinagaling kundi ang Siriong si Naaman.” Napuno ng galit ang lahat sa sinagoga pagkarinig dito, tumindig sila at ipinagtulakan siya sa labas ng bayan. Dinala nila siya sa gilid ng burol na kinakatayuan ng kanilang bayan upang ihulog. Ngunit dumating siya sa gitna nila at umalis.  

PAGNINILAY

Hindi kinilala si Hesus ng kanyang mga kababayan bilang kanilang propeta dahil alam nila kung ano ang estado ng kaniyang pamumuhay. Naiinggit ang kanyang mga kababayan sa Kanyang bagong tanyag na katayuan na hindi nila matanggap na ang isang simpleng karpintero ay nangangaral, may kakayahang magpagpagaling ng mga may karamdaman, at gumagawa ng mga himala na nagpapabago ng buhay. Kapansin-pansin din ang hindi pagtanggap ng mga Hudyo sa sinabi ni Hesus na hindi lang pala sila ang mahalaga sa paglingap ng Diyos. Secure kasi silang matawag na bayang pinili ng Diyos. Kaya ang isang ka-lebel nila, at kapwa nilang namumuhay sa iisang bayan, magsasalita ng hindi nila maubos maisip kung saan hinugot ang kakaibang balita, tahasan nila Siyang pinalayas.  Tandaan natin na maaaring i-angat ng Diyos ang isang ordinaryong tao upang bigyan siya ng mga pambihirang regalo, kakayahan at misyon. Kaya sa ating Mabuting Balita, inaanyayahan tayo na dapat ay hindi tayo mainggit sa ating kapwa na pinagkalooban ng Diyos ng mga talento, karangyaan, kaaya-ayang pisikal na kaanyuan, katalinuhan, o maging mataas na posisyon sa lipunan. Bagkus ang itinuturo sa atin ni Hesus ay hindi galit o pagkaingit kundi dapat tayong maging masaya para sa kanila.  Kaya huwag nating tularan ang mga kababayan ni Hesus na nagpakita ng pagkainggit sa kanya, kundi yakapin natin si Siya at tanggapin sa ating puso at manalig tayo sa Kanya dahil Siya ang Anak ng Diyos, ating Panginoon at Tagapagligtas.