Daughters of Saint Paul

MARSO 21, 2024 –  Huwebes sa Ikalimang Linggo ng Kuwaresma    

EBANGHELYO: Jn 8:51-59

Sinabi ng mga Judio: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may magsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya masisilayan ang kamatayan.” Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na may demonyo ka nga. Namatay si Abraham pati ang Mga Propeta, at sinabi mong ‘Kung may magsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan.’ Mas dakila ka ba kaysa ninuno namin si Abraham na namatay? Maging ang Mga Propeta ay nangamatay. At sino ka sa akala mo?” Sumagot si Jesus: “Kung ako ang magmamapuri sa sarili, walang saysay ang papuri ko. Ang aking ama ang pumupuri sa akin, siya na tinuturing n’yo na inyong Diyos. Hindi n’yo siya kilala ngunit kilala ko Siya. Kung sabihin ko man na hindi ko Siya kilala, magsisinungaling akong katulad n’yo. Ngunit kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita. “Si Abraham na inyong ninuno ay nagalak na makikita niya ang araw ng padating ko; nakita nga niya at natuwa.” Kaya winika ng mga Judio sa kanya: “Wala ka pang limampung taon at nakita mo na si Abraham?” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man ipinanganak si Abaraham, ako na nga.” Kaya dumampot sila ng mga bato para ipukol sa kanya. Nagtago naman si Jesus at umalis sa Templo.

PAGNINILAY:

Isinulat ni Sr. Gemmaria Dela Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Ang mamuhay ayon sa Salita ng ating Hesus Maestro, may forever. Ligtas mula sa kamatayan. Kung tutuusin, si Hesus na ating Guro at ang Kanyang Salita, iisa.  Di ba, sa simula pa lang ng ebanghelyo ni Juan, nasusulat na “Ang Salita ay kasama ng Diyos, at ang Salita ay Diyos”? Nakasulat din sa Aklat ng Pahayag na: “…ang pangalan Niya ay Salita ng Diyos”. Siya na Tagapagligtas, nagdudulot ng walang hanggang buhay. (Sa cyberspace, kapansin-pansin ang information overload. Innovative at progressive ang inventions ng mga communication technologists tulad sa Artificial Intelligence. Ask anything, anywhere.  Save ang time mo sa pagresearch, save na rin sa effort. Pero hanggang doon na lang ba ang kailangan natin?) Kung may information overload sa communication technology, sa ating Hesus Maestro, Information overabundance of saving grace. Besides, Siya ang simula at pinagmulan ng lahat ng Komunikasyon. Tatlong araw na lang, Holy Week na. Dadalhin tayo ng Salita ng Diyos sa pagbabalik-loob. Inaasahan tayong maging kaisa sa pag-aalay ng buhay na nakaugat sa malalim na pagmamahal ng Diyos sa atin. Tumalima tayo. Abundant life ang matatanggap natin for endless time.