Daughters of Saint Paul

Marso 22, 2017 MIYERKULES sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma / San Nicolas Owen

 

Dt 4:1, 5-9 – Slm 147 – Matthew 5:17-19

Matthew 5:17-19

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad:  “Huwag n'yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang-bisa kundi upang magbigay-kaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nababago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad.

       “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”

PAGNINILAY

Sa Ebanghelyong ating narinig, malinaw na sinabi ni Jesus na hindi Siya naparito para pawalang-bisa ang Batas at mga propeta, kundi ang tuparin ito.  Sa sinabi Niyang ito, nais ipaunawa ni Jesus sa Kanyang mga alagad na ito rin ang panawagan sa kanila.  Ang pagtupad sa Batas na nagpapahiwatig ng hindi lang basta pagsunod sa mga isinasaad sa Batas, kundi mas higit pa.  Mga kapatid, ang bagong Batas na tinutukoy ni Jesus sa Ebanghelyo, hindi lang panlabas na pagsunod sa mga alintutunin ng Batas, kundi ang pagbabagong-puso o  panloob na pagbabago.  Kailangang tupdin natin ang ating mga tungkulin nang may pagmamahal, at matularan ang Diyos sa Kanyang pagmamahal.  Ito ang tunay na kaganapan ng Batas, ang regalong tinanggap natin mula kay Kristo.  Sa ating pang-araw araw na buhay papaano natin maisasabuhay ang panawagang ito ng Panginoon?  Una, sikapin muna natin, sa tulong ng Panginoon na baguhin ang ating puso; dahil sa ating puso nag-uugat ng ating mga ginagawa.  Kung puro kabutihan at pagmamahal sa Diyos at kapwa ang nilalaman ng ating puso – tiyak na mapangyayari ito sa tulong ng Diyos.  Samantalang kung puro galit, inggit, at masasamang hangarin ang laman ng ating puso – ito din ang makikita sa ating pagkatao at pag-uugali. Ikalawa, sikapin din nating lakipan ng pagmamahal ang anumang gawain at tungkuling ginagampanan natin.    Maging ina o ama man tayo ng tahanan, manedyer o kawani ng isang kumpanya, guro o simpleng manggagawa lamang –magiging mabunga at kapaki-pakinabang ang ating gagawin kung ito’y may pagmamahal.  At ang ikatlo, lagi tayong manalangin sa Diyos na ang pag-ibig Niya ang laging dumaloy sa ating mga gawain.