Daughters of Saint Paul

MARSO 22, 2018 HUWEBES SA IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA

JUAN 8:51-59

 “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, kung may magsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi niya masisilayan ang kamatayan.” Kaya sinabi sa kanya ng mga Judio: “Alam na namin ngayon na may demonyo ka nga. Namatay si Abraham pati ang Mga Propeta, at sinabi mong 'Kung may magsasakatuparan ng aking salita, hinding-hindi siya lalasap ng kamatayan.' Mas dakila ka ba kaysa ninuno namin si Abraham na namatay? Maging ang Mga Propeta ay nangamatay. At sino ka sa akala mo?” Sumagot si Jesus: “Kung ako ang magmamapuri sa sarili, walang saysay ang papuri ko. Ang aking ama ang pumupuri sa akin, siya na tinuturing n'yo na inyong Diyos. Hindi n'yo siya kilala ngunit kilala ko Siya. Kung sabihin ko man na hindi ko Siya kilala, magsisinungaling akong katulad n'yo. Ngunit kilala ko siya at isinasakatuparan ko ang kanyang salita. “Si Abraham na inyong ninuno ay nagalak na makikita niya ang araw ng padating ko; nakita nga niya at natuwa.” Kaya winika ng mga Judio sa kanya: “Wala ka pang limampung taon at nakita mo na si Abraham?” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, bago pa man ipinanganak si Abaraham, ako na nga.” Kaya dumampot sila ng mga bato para ipukol sa kanya. Nagtago naman si Jesus at umalis sa Templo.

PAGNINILAY:

Sa Ebanghelyo ngayon, narinig nating sinabi ng Panginoon na kung may magsasakatuparan ng Kanyang salita, hinding-hindi niya masisilayan ang kamatayan.  Mamatay man ang ating lupang katawan, mananatili tayong buhay sa puso at alaala ng mga taong ating tinulungan at nagawan ng kabutihan. Higit sa lahat matatamo natin ang buhay na walang hanggan kapiling ang Ama sa Langit.  Isa itong katotohanang malimit nating marinig sa Ebanghelyo – na ang taong nagsasabuhay ng Salita ng Diyos, mabubuhay hanggang wakas.  Mga kapanalig, sa mundong walang kasiguruhan, tanging ang katotohanang mamamatay tayong lahat ang tiyak na magaganap.  Kaya mahalaga na sa pang-araw-araw nating buhay, lagi nating isasapuso at isip ang katotohanang ito para mamuhay tayong matuwid at may pagmamahal, at maiwasan ang mamuhay sa kasalanan.  Maraming tao ang matagal nang patay pero nananatiling buhay sa puso’t diwa ng mga tao, dahil namuhay sila sa pagmamahal, naglingkod nang tapat sa kapwa tao at nag-alay ng buhay para sa iba.  Samantalang may mga tao namang buhay pa pero tila matagal ng patay dahil walang saysay ang kanilang mga buhay – sanhi sila ng paghihirap at pasakit ng ibang tao, at walang pakialam sa kapwa.  Kapanalig, alin ka ba sa dalawang ito?