Daughters of Saint Paul

MARSO 22, 2020 – IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYOJuan 9:1-41 o (9:1, 6-9, 13-17, 34-38)

Sa kanyang pagdaan, nakita ni Jesus ang isang lalaking ipinanganak na bulag. Lumura si Jesus sa lupa at gumawa ng putik mula sa lura at ipinahid ang putik sa mga mata ng tao. At sinabi niya sa kanya: “Humayo ka at maghilamos sa imbakan ng tubig ng Siloam.” Kaya pumunta siya at naghilamos at umalis na nakakakita. Kaya sinabi ng mga kamag-anak niya at ng mga dating nakakita sa kanyang nagpapalimos: “Hindi ba ito ang nakaupo at namamalimos?” Sumagot ang iba: “Ito nga siya!” At ang iba naman: “Hindi! Kamukha lamang niya.” Ngunit nagsalita siya: “Ako nga!” Dinala nila siya na dating bulag sa mga Pariseo. Araw ng Pahinga noon nang gumawa si Jesus ng putik at nagpadilat sa kanyang mga mata. Kaya muli siyang tinanong ng mga Pariseo kung papano siya nakakita. Sumagot naman siya sa kanila: “Pinahiran niya ng putik ang aking mga mata naghilamos ako at nakakita.” Kaya sinabi ng ilan sa mga Pariseo: “Hindi mula sa Diyos ang taong iyan sapagkat hindi niya ipinangingilin ang Araw ng Pahinga.” Ngunit sinabi naman ng iba, “Papanong magagawa ng taong makasalanan ang ganitong mga tanda?” At nahati sila. Kaya sinabi nilang muli sa bulag: “Ikaw, anong masasabi mo tungkol sa kanya sapagkat pinadilat niya ang iyong mga mata?” Kanya namang sinabi: “Siya ang Propeta!” Narinig ni Jesus na ipinagtabuyan ng mga Pariseo ang bulag. Pagkatagpo niya sa kanya, sinabi niya: “Naniniwala ka ba sa Anak ng Tao?” Sumagot siya: “Sino siya ginoo para maniwala ako sa kanya?” Sinabi ni Jesus:“Nakikita mo siya at siya ang nakikipag-usap sa iyo. 

PAGNINILAY:

(Mula sa panulat ni Sem. Anthony Pangilinan, 1styear aspirant ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo.)  Narinig natin ang pagpapagaling ng Panginoong Hesus sa isang lalaking bulag, na isang tanda ng awa at pag-mamahal ng Paginoon. Gaya ng lalaking bulag, may mga panahon sa ating buhay na inaakala natin na iniwan na tayo sa dilim.  Mga panahong ang kasakitan sa buhay, tila bagang hindi nawawala. Pero sa kabila ng paghihirap at pagdurusa, nariyan ang Paginoong Hesus upang magbigay liwanag sa ating buhay. Gaya ng lalaking bulag, laging ipinapadama sa atin ng Panginoon ang kanyang awa at biyaya. Ito’y kung tayo’y laging handang mag-pasalamat at makinig sa kanyang tinig. Ngayon panahon ng kuwaresma, nawa’y makita natin ang Paginoong Hesus bilang liwanag, pag-asa at kapayapaan.