Daughters of Saint Paul

MARSO 22, 2021 – LUNES SA IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Jn 8:1-11

Pumunta si Jesus sa Bundok ng mga Olibo. Maaga siyang muli sa Templo, at naglapitan sa kanya ang lahat ng tao, at pagkaupo niya, nangaral siya sa kanila. Dinala naman ng mga guro ng Batas at ng mga Pariseo ang isang babae, na huling-huli sa pakikiapid. Pinatayo nila siya sa gitna, at sinabi kay Jesus: “Guro, huling-huli ang babaeng ito na nakikiapid. Iniutos sa amin ni Moises sa Batas na batuhin ang ganitong mga babae; ano naman ang sabi mo?” Sinabi nila ito bilang pagsubok sa kanya upang may maisakdal sila laban sa kanya. Yumuko naman si Jesus at nagsulat sa lupa sa pamamagitan ng kanyang daliri. Nang magpatuloy sila sa pagtatanong sa kanya, tumindig siya at sinabi sa kanila: “Ang walang sala ang unang bumato sa kanya.” At muli siyang yumuko at nagsulat sa lupa. Ang mga nakarinig naman ay isa-isang nag-alisan magmula sa matatanda, at siya’y naiwang mag-isa pati na ang babae na nasa gitna. Tumindig si Jesus, at sinabi sa kanya, “Babae, nasaan na sila? May humatol ba isa iyo?” At sumagot siya: “Wala, Panginoon.” Sinabi ni Jesus: “Hindi rin kita hahatulan. Humayo ka at mula ngayon, huwag ka nang magkasala pa.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Nina Lorilla ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. “Pagod na akong magpaliwanag, kaya husgahan niyo na lang ako” sabi ng isang meme na aking nabasa sa facebook. Marahil, ang iba sa atin ay nakaka-relate dito lalo na kapag pagod na tayo sa kaka-explain ng side natin sa mga judgemental na kapwa natin. Huwag na tayong lumayo pa, dito na lamang sa mundo ng social media, kung saan nagiging normal na ang hate speech, pambabash, labeling, pagpapahiya sa mga involved sa scandals, krimen at iba pang maiinit na usapin gamit ang social media accounts. Kaya naman nauso din ang hashtag na #judgemenot para pangunahan na, na huwag mahusgahan. Kapatid, sa ganitong realidad ng ating mundong ginagalawan, try kaya natin na isama si Hesus sa ganitong eksena. Sa tingin ba natin ay manghuhusga din siya katulad ng panghuhusga natin sa ating kapwa? Hindi!  At alam kong hindi din ang sagot n’yo. Sa Mabuting Balita natin sa araw na ito, narinig natin kung paano hinamon ni Hesus ang mga nagpahiya sa babae instead na husgahan ito. Punahin natin ang huling salita ni Hesus sa babae pagkatapos isa-isang nagsipag-alisan ang mga Pariseo: “Hindi rin kita hahatulan ng parusa. Humayo ka at huwag nang magkasala.” Nawa’y maging huwaran natin ang salitang ito ng ating Panginoon. Hwag tayo manghusga sa ating kapwa bagkus akayin at hikayatin sila sa pagbabagong buhay.  Amen.