Daughters of Saint Paul

MARSO 22, 2022 – MARTES SA IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA

Mapagpalang araw ng Martes sa Ikatlong Linggo ng Kuwaresma. Purihin natin ang super na mahabagin na Diyos! Matapos magpatawad, nagpapatawad uli, at magpapatawad pa, at gagawin pa ito paulit-ulit. Si San Bienvenido Scotivoli na inaala-ala natin ngayon sa Misa, itinulad niya ang buhay niya kay Hesus. Bilang Obispo, walang pagod siyang magpatawad. Kahit hindi na siya nauunawaan, lagi niyang bigkas ang kapatawaran.   Si Sr. Gemma Ria po ito. Kabilang sa mga madre ng Daughters of St. Paul na tagapaghatid ng Mabuting Balita. Salubungin na natin ang pahayag ng ating kaligtasan,    na ayon kay San Mateo kabanata labinwalo, talata dalawampu’t isa hanggang tatlumpu’t lima.

EBANGHELYO: MATEO 18: 21-35

Nagtanong si Pedro: “Panginoon, gaano kadalas ko naman dapat patawarin ang mga pagkukulang ng aking kapatid? Pitong beses ba?” Sumagot si Hesus: “Tungkol sa Kaharian ng Langit ang istoryang ito. Isang hari ang nagpasyang pagbayarin ng utang ang kanyang utusan. Nang simulan niyang suriin ang kuwenta, iniharap sa kanya ang isang may utang na sampung libong baretang ginto. Dahil walang maibayad sa kanya ang tao, iniutos ng panginoon na ipagbili siya at maging alipin kasama ng kanyang asawa, mga anak at mga ari-arian bilang bayad-utang. At nagpatirapa sa paanan ng hari ang opisyal at sinabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ang utang ko.’ Naawa sa kanya ang hari at hindi lamang siya pinalaya kundi kinansela pa ang kanyang utang. Pagkaalis ng opisyal na ito, nasalubong niya ang isa sa kanyang mga kasamahan na may utang namang sandaang barya sa kanya. Sinunggaban niya ito sa leeg at halos sakalin habang sumisigaw: ‘Bayaran mo ang utang mo!’ Nagpatirapa sa paanan niya ang kanyang kasamahan at nagsabi: ‘Bigyan mo pa ako ng panahon, at babayaran kong lahat ng utang ko sa iyo.’ Ngunit tumanggi siya at ipinakulong ito hanggang makabayad ng utang. Labis na nalungkot ang iba nilang kapuwa-lingkod ng makita ang nangyari. Kaya pinuntahan nila ang kanilang panginoon at ibinalita ang buong pangyayari. Ipinatawag naman niya ang opisyal at sinabi: ‘Masamang utusan, pinatawad ko ang lahat ng iyong utang nang makiusap ka sa akin. Hindi ba dapat ay naawa ka rin sa iyong kasamahan gaya ng pagkaawa ko sa iyo?’ Galit na galit ang panginoon kaya ibinigay niya ang kanyang utusan sa mga tagapagpahirap hanggang mabayaran nitong lahat ang utang.” At idinagdag pa ni Hesus: “Ganito rin ang gagawin sa inyo ng aking Ama sa Langit kung hindi patatawarin ang bawat isa sa inyo mula sa puso ang kanyang kapatid.”  

PAGNINILAY

Tinanong ni Pedro si Hesus kung ilang beses dapat siyang magpatawad sa sinumang nagkasala sa kanya, pitong beses po ba? Ani Hesus: “Hindi ko sinasabing makapito, kundi pitumpung ulit pa nito.” Matapos sumagot si Hesus, isinalaysay niya ang Kuwento ng gahamang lingkod. Matapos siyang pagbigyan ng Hari mula sa kanyang pagkakautang, walang awa siyang naningil sa mga taong nagkakautang sa kanya. Ang pagiging gahaman, ang kalupitan, at matigas ang loob sa mga taong nagkasala sa atin, ito ang pagpapakita na hindi natin pinapahintulutan ang kagandahang-loob ng Diyos na tumagos nang husto sa ating mga puso. Hindi naman talaga madali ang magpatawad. Pero, kung hindi natin ito gagawin, paano tayo mag-iimprove bilang anak ng Diyos? Kung may listahan lamang ang Diyos ng ating mga pagkakamali, pagkukulang at pagkakautang sa kanya, siguradong hindi natin kailanman ito mababayaran. Kaya nga, inaanyayahan niya tayo na tumulad sa kanyang pagkamaawain, upang maipadama sa mundo, na may pag-asa, pagkahabag, pagkamaawain ang Diyos sa kabila ng lahat. Amen.