JUAN 10:31-42
Dumampot ng mga bato ang mga Judio para batuhin si Jesus. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Maraming mabubuting gawa ang itinuro ko sa inyo mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung ba't n'yo ako binabato?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan sapagkat gayong ikaw ay tao, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Hindi ba nasusulat sa Batas ninyo: 'Aking sinabi,” mga Diyos kayo” '? Kaya tinawag na mga diyos ang mga tumatanggap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, nang sinabi kong ako ang Anak ng Diyos—ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo –bakit n'yo sinasabing paglapastangan ito? Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking ama, huwag n'yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit hindi kayo naniniwala sa akin, maniwala naman kayo sa mga gawa. Kaya alam na alam nga ninyo na nasa akin ang Ama at ako'y nasa Ama.” Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin si Jesus ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya nanatili. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Hindi nga gumawa ng anumang tanda si Juan, pero nagkatotoo nga ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo'y marami ang naniwala sa kanya.
PAGNINILAY:
Ang paniniwala sa iisang Diyos ang katangian ng pananampalataya ng bayang Israel. Kaya nga sinasambit nila ang Shema araw-araw: “Makinig ka, Israel!” Si Yaweng Diyos natin, isang Yawe. Kaya mahalin mo si Yaweng iyong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa at nang buo mong lakas.” Ang paniniwalang ito sa iisang Diyos ang nagbunsod sa mga Judio para batuhin si Jesus dahil diumano sa kanyang paglapastangan na ituring ang kanyang sarili bilang Diyos. Ang pag-amin ni Jesus bilang Anak ng Diyos, isang malaking iskandalo para sa mga Judio. Hindi nga naman maaaring magkaroon ng Anak ang Diyos tulad ng mga diyus-diyosan ng mga pagano. Hindi tulad ng mga hukom na tinatawag na mga elohim o ng mga “anak ng Kataas-taasan” na tagapaghatid ng salita ng Diyos. Mga kapanalig, si Jesus tunay ngang Anak ng Diyos dahil isinugo Siya ng Ama upang magdala ng Mabuting Balita ng kaligtasan sa lahat ng tao. Si Jesus mismo ang kaligtasan ng tao. Paano mo pinahahalagahan ang handog Niyang kaligtasan? Panginoon, itulot Mo pong magbunga sa’king buhay pananampalataya at pakikipagkapwa tao ang handog Mong kaligtasan. Amen.