EBANGHELYO: Juan 4:43-54
Umalis si Jesus pa-Galilea… Pumunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. Nang marinig niya na dumating sa Galilea si Jesus mula sa Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong siya at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Kaya sinabi ni Jesus tungkol sa kanya: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Umuwi ka na. Buhay ang anak mo.” Nananalig ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya. Nang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya mula sa kanila kung anong oras siya gumaling at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una siya inibsan ng lagnat.” Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin ni Jesus: “Buhay ang anak mo.” At naniniwala siya pati ang buo niyang sambahayan. Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagdating niya sa Galilea mula sa Judea.
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St. Paul ang pagninilay sa Ebanghelyo. Mga kapatid, kamusta ba ang watts ng iyong pananampalataya? May isang mataas na opisyales na ang pananalig ay 100 watts. Humiling siya kay Jesus na pumunta sa kanilang tahanan upang pagalingin ang anak na may malubhang sakit. Kahit hindi pa pumupunta si Jesus sa tahanan, pinanghawakan nito ang sinabi sa kanya na gagaling ang kanyang anak. Hindi siya nagduda, hindi bumaba ang watts ng pananampalataya. Gumaling ang anak sa oras a binigkas ni Jesus na “gagaling”. Ang galing dahil may gumaling! Ito rin ang sinasabi sa atin, panghawakan ang mga salita ng Diyos. Huwag bumitaw. Magtiwala at kapit lamang. May mga oras marahil magdududa tayo sa kanya. talaga bang mahal ako ng Diyos? Talaga bang dinidinig niya ako? Baka natutulog siya… ilang lang ang sa mga ito sa mga gumugulo sa ating isip. Pero pakatandaan at itanim sa puso, hindi ka iiwan ng Diyos. Kapit lang.
PANALANGIN:
Panginoon, bigyan nyo po ako ng liwanag upang aking makita ang hindi ko nakikita; ang marinig ang hindi ko naririnig na mahal mo ako. Gabayan po ninyo akong pataasin ang watts ng aking pananampalataya. At sorry po sa mga oras ng pagdududa na nagdudulot ng brownout sa aking buhay. Amen!