EBANGHELYO: Jn 8:21-30
Sinabi ni Jesus sa mga Pariseo: “Aalis ako at hahanapin n’yo ako, at sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Hindi nga kayo makaparoroon kung saan ako pupunta.” Kaya sinabi ng mga Judio: “Bakit kaya niya sinabing ‘Kung saan ako pupunta, hindi kayo makaparoroon?’ Magpapakamatay kaya siya?” At sinabi ni Jesus sa kanila: “Mula kayo sa ibaba; mula naman ako sa itaas. Kayo’y mula sa mundong ito; hindi ako mula sa mundong ito. Kaya sinabi ko sa inyo na sa inyong mga kasalanan kayo mananatili hanggang mamatay. Mamamatay nga kayong taglay ang mga kasalanan n’yo kung hindi kayo maniniwala na Ako Siya.” At sinabi nila sa kanya: “Sino ka ba?” Sinabi naman sa kanila ni Jesus: “Sinabi ko na sa inyo noon pa. Marami akong masasabi at mahuhukuman tungkol sa inyo. Totoo nga ang nagsugo sa akin; at ang narinig ko mula sa kanya- ito ang binibigkas ko sa mundo.” Hindi nila naintindihan na ang Ama ang tinutukoy niya. At sinabi ni Jesus: “Kapag inyong itinaas ang Anak ng Tao, matatalos n’yo na Ako Siya at wala akong ginagawa sa ganang sarili kundi ayon sa iniaral sa akin ng Ama, ito ang aking binibigkas. Kasama ko nga ang nagsugo sa akin at hindi niya ako binabayaang nag-iisa sapagkat lagi kong ginagawa ang kalugud-lugod sa kanya.” Nang sabihin ito ni Jesus, marami ang naniwala sa kanya.
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni APC Lulu Pechuela ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay sa ebanghelyo. Kapatid: Ang tao ay tunay na marupok at madaling matukso at magkasala. Madalas, pa nga, binibigyan niya nang katuwiran ang kanyang kasalanan, hanggang sa dumating sa puntong nakasanayan na ang mali, at ang mali ay nagagawang tama. Halimbawa na diyan ang mga nagnanakaw sa kaban nang bayan. Katwiran nila, kung di sila ay iba ang makikinabang. Bakit pa pakakawalan ang swerte? Saka hindi lang naman siya ang gumagawa noon. Mas malaki pa nga ang ninanakaw ng mga nasa “itaas”. O yung mga pumapatay sa mga “kriminal” at mga isinusuka ng lipunan. Katwiran nila, pag hinuli at dinala sa korte, makakalabas pa ang mga iyan at patuloy na gagawa ng mga karumaldumal na krimen. Pero kahit anong katwiran natin, ang mali ay mali; ang kasalanan ay kasalanan at ito ang papatay sa ating kaluluwa at maglalayo sa atin sa Panginoon.
PANALANGIN
Panginoon, tibayan mo po ang aming pananalig sa iyo, patatagin mo kami laban sa tukso. Hipuin mo ang aming mga puso upang sa lahat ng oras at sandali, ang iyong pangaral na nagbibigay buhay ang mangibabaw sa aming mga puso at diwa, Amen.