Daughters of Saint Paul

MARSO 23, 2022 – MIYERKULES SA IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA

Mapayapang araw ng Miyerkules, mga kapanalig!  Papalapit nang papalapit na tayo sa pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay. Ngayong Ikatlong Linggo ng Kuwaresma, patuloy nating Purihin ang Diyos. Isurender natin sa kanya ang ating kalooban, nang maligtas tayo sa kapahamakan. Si Sr Gemma Ria po ito, mga kapanalig, isa sa mga Daughters of St. Paul na ang Mabuting Balita, araw-araw inihahatid. Narito na at inihahain namin sa inyo ang Mabuting Balita, ayon kay San Mateo, sa ikalimang kabanata, talata labimpito hanggang ika-labinsiyam. 

EBANGHELYO: MATEO 5:17-19

Sinabi ni Hesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n’yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-karapatan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nagbabago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magtuturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”

PAGNINILAY

Bakit mahalaga na tayo ay sumunod sa utos? Dalawang taon na at hanggang ngayon lagi tayong pinapaalalahan ng mga opisyal ng gobyerno at mga doktor na tayo ay sumunod sa batas na kanilang pinapatupad upang maiwasan natin ang malalang sakit dala ng COVID-19. Kung hindi naman ikinakailangan, huwag nang lumabas ng bahay at mag punta sa mga matataong lugar at laging magsuot ng “face mask”. Kaya nang naging kampante tayo, na maraming isinawalang bahala ang mga protocols, biglang dumating si Omicron na hindi tayo handa. Imagine, umabot sa mahigit-kumulang na 37 thousand ang mga cases sa isang araw dito sa ating bansa. Hindi ito biro. Ang lesson? Sumunod sa ipinag-uutos para hindi tayo maging kalunos-lunos. Katulad sa ating Ebanghelyo hindi lang basta nagbigay ng utos ang Diyos, binigyan pa niya ito ng buhay at kaganapan sa pamamagitan ni Hesus.  Kaya naman sinasabi na ang lahat ay lilipas, liban sa salita ng Diyos—Si Hesus na salitang nagkatawang tao, kailanma’y ‘di rin lilipas. Sa katunayan ang lahat ng utos, aral at salita ng Diyos ay Pagmamahal. Pagmamahal na patuloy tayong hinuhubog, ginagabayan at pinapanibago tungo sa kabanalan. Pagmamahal na umuunawa sa utos, aral, at salita ng Diyos. Ngayong panahon ng Kuwaresma, sana patuloy tayong magnilay sa mga aral at salita ng Diyos. Hindi tayo susunod dahil takot tayong mabali ang utos niya, sususunod tayo kasi mayroon tayong pagmamahal, na siyang susi natin upang makapiling ang Diyos. Amen.