EBANGHELYO: Jn 11:45-56
Marami sa mga Judiong sumama kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Jesus ang naniwala sa kanya. Pumunta naman ang ilan sa kanila sa mga Pariseo at sinabi sa kanila ang mga ginawa niya. Kaya tinipon ng mga Punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian na Sanhedrin, at sinabi: “Ano ba’ng gagawin natin? Marami siyang mga ginagawang tanda. Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at aalisin maging ang ating banal na lugar at ang ating bansa.” At isa sa kanila, si Caifas, na Punong-pari sa taong iyon, ang nagwika: “Wala kayong kaalam-alam. Hindi n’yo naiintindihan na makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan, upang hindi mapahamak ang buong bansa.” Hindi sa ganang sarili niya sinabi ang mga salitang ito, kundi sa pagiging Punong-pari niya sa taong iyon, sinabi niya ang propesiyang ito: dapat ngang mamatay si Jesus alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin pati ang mga nakakalat na anak ng diyos upang maging isa. Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. Kaya hindi na tahasang naglakad si Jesus sa lugar ng mga Judio kundi umalis siya mula roon patungo sa lupaing malapit sa ilang, sa isang lunsod na Efraim ang tawag, at doon siya nanatili kasama ng mga alagad. Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon ang marami pa-Jerusalem mula sa lalawigan bago mag-Paskuwa upang malinis ang sarili. Kaya hinanap nila si Jesus at nang nasa Templo sila, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano sa palagay ninyo? Paririto kaya siya sa piyesta?”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Bro. Hansel Mapayo ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. (Dalawang magkalabang pananaw ang matutuklasan natin ngayon sa ating Ebanghelyo. Sa isang dako, ang hangarin at gawain ni Hesus na maisabuhay natin araw-araw ang kalooban ng Diyos, at mamamayani siya sa ating puso. Sa kabilang dako naman, ay ang hangarin ni Caifas na idispatsa si Hesus, alang-alang sa kapakanan ng bansa, at mabuting pakikitungo sa mga Romano na sumakop sa kanila.) Sa unang tingin, nagpapakita ng concern si Caifas sa kanyang mga kababayan, pero kung susuriing mabuti, pansariling kapakanan ang nag-udyok sa kanya na sabihin ito, upang mapanatili sa kanyang kapangyarihan. Mga kapatid, sa ating puso minsan, nagtutunggali ang hangaring gumawa ng mabuti, para sa kapakanan ng lahat; o ang pribilehiyong makamit ang parangal, dahil naglilingkod tayo sa kapwa. Ang aral na tinuturo ni Hesus sa atin ngayon ay: patuloy pa rin tayong maglingkod, kahit na may mga tutol sa ating mga ginagawa. At kung ang pagtutunggali ay nasa ating kalooban, huwag nating tularan ang pananaw ni Caifas, na tinitingnan ang mga ginawa ni Hesus na banta, sa kanyang posisyon bilang lider. Kundi, lampasan natin ang pansariling interes, at matuwa tayo sa mga mabuting nagawa ng iba, at lalong magalak na meron tayong mabuting magagawa sa ating kapwa, na di naghihintay ng kapalit. Amen.