Os 14:2-10 – Ps 81 – Mk 12:28-34
Mk 12:28-34
May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Jesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?”
Sumagot si Jesus: “Ito ang una: 'Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong ating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas.' At pangalawa naman ito: 'Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.' Wala nang utos na mas mahalaga pa kaysa mga ito.”
Kaya sinabi ng guro ng mga batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.”
Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas magtanong sa kanya.
PAGNINILAY
Mga kapatid, nang tanungin si Jesus kung ano ang una sa lahat ng utos, ang Shema, “Makinig ka” ang ibinigay Niyang sagot. Isang panalanging laging sinasambit ng bawat debotong Judio. Tungkulin ng bawat Judiong dasalin ito tuwing umaga at gabi, gayundin sa iba pang pagkakataon katulad ng ginagawa nating pagdarasal ng Ama Namin at Aba Ginoong Maria. Bukod sa pagiging isang panalangin, ang Shema, isang pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos, isang mahigpit na pagpapahayag ng pagsamba at pag-ibig sa iisang Diyos. Ipinag-uutos sa Aklat ng Deuteronomio na ito’y itatak sa puso at kaluluwa ng bawat Israelita: masigasig na itinuturo sa mga bata, pinag-uusapan saan man, nakatali sa kamay at noo sa pagitan ng mga mata, at nakasulat sa mga haligi ng pintuan ng bahay. Ipinahahayag ni Jesus ang shema bilang buod ng lahat ng mga utos at lakas na nagtutulak tungo sa katuparan nito. Higit pa rito, ginagawa Niya itong panuntunan sa buhay: iniibig Niya ang Ama nang buo niyang pagkatao – puso, kaluluwa, isip at lakas. Tinutupad Niya ang kalooban ng Ama hanggang sa huli, maging sa kamatayan sa krus. Kapatid, suriin mo ang iyong sarili, ang Diyos ba ang sentro ng iyong buhay? Ibinibigay mo ba ang nararapat para sa Kanya: ang iyong buong pagkatao?