Mapagpalayang araw ng Huwebes, mga kapanalig! / mga kapatid. Kumusta ang inilalaan nating pangingilin ngayong Kuwaresma? Si Sr. Gemma Ria po ito. Kabilang sa mga consecrated religious ng Daughters of St. Paul. Ngayong Kuwaresma, bising-bisi ang mga demonyo. Kaya naman sa Mabuting Balita ngayon, matibay ang loob na pinalayas ng ating Mahal na Hesus Maestro ang isang demonyo. Huwaran din natin si San Oscar Romero sa tibay ng loob para ipaglaban ang mga naaapi at tuligsain ang karahasan dulot ng masama. Kapistahan niya ngayon. Salubungin na natin ang Mabuting Balita ayon kay San Lukas sa ikalabing-isang kabanata, talata labing-apat hanggang dalawamput tatlo.
EBANGHELYO: LUCAS 11: 14-23
Minsa’y nagpalayas si Hesus ng isang demonyo at ito’y pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita ang pipi at namangha ang mga tao. Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Hesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Hesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng iyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung nasasandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Subalit kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. “Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.”
PAGNINILAY
Nagkakalat. Sa halip na tumulong sa pag-iipon ng Diyos. Likas sa demonyo ang magkalat. Likas sa kanya ang maging salaula. Likas sa kanya ang mang-inis. Ito ang ginagawa niya sa atin kapag nakakagawa tayo ng mabuti, o kapag mataimtim tayong nagdadasal. Ganundin kung handing-handa na tayong maggive up ng gustong-gusto natin bilang pakikiisa sa pagpapakasakit ng ating Panginoon. Ginugulo niya ang spiritual life natin. Pilit niyang ibinubuhol ang pinagsisikapan nating matuwid na lubid sa pagkapit sa Panginoon. Alam ito ng ating Panginoong Hesus. Kung tutuusin, naryan, narito, naroon ang masamang ispiritu. Laging umaaligid. Lagi tayong inaakit. Pero kung mapapaglabanan natin at hindi natin siya papansinin, siya ang maiiinis at magpapakawala. Hindi nga ba templo tayo ng Banal na Espiritu? Bukod sa walang laban ang demonyo sa sa kabanala-banalang presenya ng Diyos, dalisay ang magagawa natin kapag buong tatag nating sabihin: “Ako ang Templo ng Banal na Espiritu, walang laban sa akin ang diyablo.”