EBANGHELYO: Lucas 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambayanan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel
PAGNINILAY:
Mula sa panulat ni Vhen Liboon ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa tuwing dinarasal natin ang Angelus o Orasyon, inaalala natin ang tagpong ito ng Ebanghelyo, kung saan ibinigay ni Maria ang kanyang buong puso at kababaang-loob na pagsang-ayon sa kalooban ng Diyos na malukuban sya ng Espiritu Santo at mabuo sa kanyang sinapupunan si Jesus, ang Diyos na nagkatawang-tao. Bagama’t hindi niya lubos na nauunawaan kung paano ito mangyayari, buo ang kanyang tiwala at pananampalataya na walang imposible sa Diyos. Sana tayo rin ay magkaroon ng ganoon kalalim na pananampalataya upang mapanatag ang ating puso sa kabila ng mga sakuna at kaguluhang nangyayari sa ating kapaligiran. Amen.