Ebanghelyo: Lc 1:26-38
Sa ikaanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng Birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng Anghel sa kanya: “Huwag kang matakot , Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailaman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” “Paanong mangyayari ito gayong hindi ako ginagalaw ng lalaki?” “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at nasa ikaanim na buwan na siyang itinuturing na baog. Wala ngang imposible sa Diyos.” “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel
Pagninilay:
Kasama sa ating pagiging tao ang paghahanap ng kapanatagan at kasiguraduhan sa buhay. Hindi natin maikakaila na minsan, labis natin itong pinagtutuunan ng pansin. Health supplement dito, life insurance doon, at kung anu-ano pa dahil gusto natin, sure tayong lagi sa ating kinabukasan. Dapat, sure na matutupad ang pangarap natin para sa ating buhay.
Marahil si Maria, sure na din sa kanyang personal na pangarap at malamang, inihahanda na niya ang kanyang sarili para sa buhay pag-aasawa. Ngunit iba pala ang pangarap ng Diyos para sa kanya. Siya pala ay hindi lamang basta-basta magiging maybahay at ina; bagkus siya pala ang pinangarap ng Diyos na maging kanyang ina. Sa halip na panghinayangan ni Maria ang kanyang mga pangarap, buong tiwala niyang niyakap ang pangarap ng Diyos dahil Siya na mismo ang kanyang magiging kasiguroduhan at kapanatagan. Ang kanyang mga pangarap ay naging ganap dahil buong puso siyang nakibahagi sa pangarap ng Diyos para sa kanya. Ngayong Jubileo ng Pag-asa, hingin natin sa Panginoon na lalong lumalim at yumabong ang ating pag-asa, lalo na sa tuwing nahihirapan tayong hangarín ang mga pangarap ng Diyos sa atin. Kailangan natin ang gabay ni Inang Maria upang tayo’y laging maging bukas sa mga surpresa ng Diyos na tiyak ay magpapaganap sa atin. Nawa’y sa ating pangangarap at pagsusumikap ay mabanaag din nating nagaganap ang mga pangarap ng Diyos para sa atin. Kasama at katulad ni Inang Maria, atin nawang ipanalangin: “Maganap nawa sa akin ayon sa iyong pangarap, Panginoon, dahil tanging sa pagsunod sa kalooban mo kami.” Amen.