JUAN 12:1-11
Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Jesus mula sa mga patay. Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya. Naglilingkod si Marta at si Lazaro naman ay isa sa mga kasalo ni Jesus. Kinuha ni Maria ang isang libra ng mamahaling pabangong mula sa tunay na nardo at pinahiran niya ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa nito. Napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay. Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano ito? Maipagbibili sana ang pabangong ito sa halagang tatlundaang denaryo para maibigay sa mga dukha.” Sinabi niya ito, hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; hawak niya ang pananalapi at nangungupit doon. Kaya sinabi ni Jesus: “Bayaan mo na siya; inilaan na niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin. Kasama ninyong lagi ang mga dukha, ngunit hindi ninyo ako laging kasama.” Marami sa mga Judio ang nakaalam na naroon siya. At dumating sila hindi dahil lamang kaya Jesus kundi upang makita nila si Lazaro na pinabangon niya mula sa mga patay. Pinag-usapan naman ng mga Punong-pari ang pagpatay pati na kay lazaro, sapagkat marami sa Judio ang lumilisan dahil sa kanya at naniniwala kay Jesus.
PAGNINILAY:
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, sinulat ng aming madre na si Sr. Lyn Lagasca. Narinig natin sa Ebanghelyo, na sinuklian ng magkakapatid na Marta, Maria at Lazaro ang pagmamahal at pagsakripisyo ni Jesus sa kanilang pamilya, nang buong puso at punong-puno ng debosyon. Naging malapit na kaibigan ni Jesus ang magkakapatid. Tinuruan Niya sila kung paano ang totoong pagkalinga at pagmamalasakit; ang taos-pusong pakikiisa sa Diyos sa pamamagitan ng laging pakikinig sa Kanyang Salita, at ang pagdama at pagpapahalaga sa Kanyang presensya at paglingap. Binuhay din ni Jesus ang namatay nang si Lazaro. Kaya para sa magkakapatid, ito ang tamang paraan kung paano din nila maipakita ang kanilang pagmamahal kay Jesus. Hinainan nila Siya ng masasarap na pagkain, inistimang mabuti at higit sa lahat, inalayan ni Maria si Jesus ng napakabango at mamahaling langis na inihugas sa Kanyang mga paa at saka tinuyo ng kanyang buhok. Di ba’t ito na ang pinakatampok na pwedeng gawin ng pusong punong-puno ng pasasalamat at pagtanggap? Mga kapanalig, nakikita rin ba natin kung paano tayo nililingap at minamahal ng Diyos sa araw-araw? Paano tayo tumutugon sa Kanyang walang hanggang paglingap at pagmamahal? Panginoon, maraming salamat po Sa’yong walang-hanggang pagkalinga at pagmamahal sa akin… Marapatin Mo pong masuklian ko ito nang paglingap at pagmamahal din sa mga kapatid na mas nangangailangan. Amen.