EBANGHELYO: Juan 5:31-47
Sinabi ni Jesus sa mga Judio: “Kung nagpapatotoo ako sa aking sarili, hindi mapanghahawakan ang patotoo ko. Ngunit iba ang nagpapatotoo tungkol sa akin at alam ko na mapanghahawakan ang kanyang patotoo tungkol sa akin. Nagsugo rin kayo kay Juan at binigyang-patotoo niya ang katotohanan. Ipinaaalala ko ito dahil sa inyo para maligtas kayo, ngunit hindi ko hangad ang patotoong mula sa tao. Isang nga siyang ilaw na may sindi at nagningning, at ginusto n’yong magalak pansamantala sa kanyang liwanag. May patotoo naman ako na higit pa kaysa kay Juan – ang mga gawang ibinigay sa akin ng Ama upang tuparin ko ang mga iyon. Ang mga gawang ginagawa ko ay nagpapatotoo na sinugo ako ng Ama. At nagpapatotoo rin sa akin ang Amang nagsugo sa akin. Kailanma’y di n’yo narinig ang kanyang tinig ni nakita ang kanyang anyo. At hindi rin nananatili sa inyo ang kanyang salita dahil hindi kayo naniniwala sa kanyang sinugo. Sinaliksik ninyo ang mga Kasulatan sapagkat iniisip n’yong doon ninyo matatagpuan ang buhay na walang hanggan. Nagpapatotoo nga sa akin ang mga Kasulatan, ngunit ayaw n’yong lumapit sa akin para mabuhay. Hindi ko hangad ang papuri mula sa mga tao, ngunit alam kong walang pagmamahal sa Diyos sa inyong kalooban. Hindi ninyo ko tinatanggap sa pagdating ko sa ngalan ng aking Ama; kung sakaling may pumarito sa sarili niyang pangalan, siya ang inyong tatanggapin. Paano kaya kayo makapaniniwala kung ang hangad nyo’y papuri sa isa’t isa at hindi ang papuring galing sa iisang Diyos ang hanap. Huwag ninyong ipalagay na ako ang magsasakdal laban sa inyo sa harap ng Ama. Si Moises ang magsasakdal laban sa inyo, siya na inyong inasahan. Kung pinapaniwalaan n’yo nga si Moises, paniniwalaan din sana n’yo ako, sapagkat tungkol sa akin ang sinulat niya. Ngunit kung hindi n’yo pinaniniwalaan ang mga sinulat niya, paano n’yong paniniwalaan ang mga pananalita ko?”
PAGNINILAY:
(Isinulat ni Cleric Jess Madrid ng San Carlos Seminary ang pagninilay sa Ebanghelyo.) Mga kapanalig, inaanyayahan tayo ng Mabuting Balita ngayon na tignan natin yung mga ginagawa natin, mga kilos, at mga gawa, dahil ang mga kilos natin ang nagpapatunay na tayo nga ay Anak ng Diyos. Ang ating mga salita ay nagpapatunay na tayo ay nakikinig sa Diyos. Ang ating mga gawa ay nagpapatunay na tayo ay sinusugo ng Diyos. Kung taliwas ang buhay sa buhay na turo at halimbawa ni Hesus baka iba na ang ating kinikilalang Diyos, baka iba na ang pinapakinggan natin, baka iba na ang nagsusugo sa atin. Baka hindi na ang Diyos ng buhay at pag-ibig. Baka boses na ng kasamaan at karahasan ang nangingibabaw sa buhay. Kaya maganda na pagnilayan ang ating mga ginagawa para malaman natin kung sino na ba ang ating pinapakinggan at sinusundan. Kung makita na mali na, panahon na para itama, at magbalik sa Ama.