Daughters of Saint Paul

MARSO 26, 2022 – SABADO SA IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA

Diyos sa pagkakaloob sa atin ng panibagong pagkakataon upang pagnilayan ang Kanyang Salita. Ako po si Sr. Amelyne Paglinawan ng Daughters of St. Paul.  Maririnig natin sa Mabuting Balita ngayon ang pahayag ni Hesus na “laban sa akin ang hindi panig sa akin at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.” Pakinggan natin ito ayon kay  San Lukas Kabanata labin-isa, talata labin-apat hanggang dalawamput tatlo. 

EBANGHELYO: LUCAS 18: 9-14

Sinabi ni Hesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao, mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa Langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”

PAGNINILAY

Ano ba ang laman ng iyong dasal? Ang panalangin ay isang paraan ng komunikasyon natin sa Diyos upang makausap Siya. Sa Mabuting Balita, binigyan tayo ng pagsasalarawan ng ating Panginoong Hesus tungkol sa dalawang magkaibang uri ng taong dumadalangin: Isang panalangin na ang pinupuri ay ang sariling nagawa, at ang isa nama’y tumatangis habang nananalig sa awa at kadakilaan ng Diyos. Sa mga mata noon ng tao, mataas ang pagtingin nila sa mga Pariseo sapagkat sila’y mga guro ng batas. Ang mga maniningil naman ng buwis ay maituturing na “public sinners” kaya naman kilala silang gahaman at mangugulang. Ngunit, sa mga mata ng Diyos, yaong mga umaamin, umaasa, at nananalig sa kanyang awa ang kanyang lubhang kinalulugdan. Noong kasagsagan ng COVID-19 pandemic, hindi ba mas natuto tayong manalangin sa Diyos? Di ba mas lumalim ang ating pananampalataya sa kanya? Dahil sa ating mga panalangin, ipinaparamdam sa atin ni Hesus na higit na mahalaga sa kanya ang kalagayan ng ating PUSO, at hindi ang kalagayan natin sa buhay. Tayo ay tinatawag ni Hesus para maging mapagpakumbaba. Kung susuriin natin ang ating mga sarili, ano nga ba ang laman ng ating panalangin? Tayo ba ay tulad ng mga Pariseo na self-righteous, o tulad ba tayo ng tax collectors na makasalan ngunit mapagkumbaba sa paghingi ng tawad sa Diyos? Pagnilayan natin ito.