EBANGHELYO: Jn 13:21-33, 36-38
Nabagabag sa kalooban si Jesus, at nagpatotoo: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagtinginan ang mga alagad at hindi nila malaman kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa dibdib ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. Kaya tinangunan ito ni Simon Pedro para usisain si Jesus kung sino ang kanyang tinutukoy. Kaya paghilig niya sa dibdib ni Jesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Jesus: “Iyon siyang ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibingay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasama ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Gawin mo agad ang gagawin mo.” Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung bakit sinabi niya iyon sa kanya. Dahil hawak ni Judas ang pananalapi, inakala ng ilan na sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa Piyesta,” o kaya’y “Mag-abuloy ka sa mga dukha.” Kaya pagkakuha niya ng kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon. Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: “ Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At luluwalhatin sa kanya ang Diyos, at agad niya siyang luluwalhatiin. Mga munting anak, sandali na lamang ninyo akong kasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga Judio: ‘Hindi kayo makaparoroon kung saan ako pupunta,’ sinasabi ko rin sa inyo ngayon. Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin sa pupuntahan ko; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi kita masusundan ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Maiaalay mo ang iyong buhay alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok hanggang maitatuwa mo akong makaitlo.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Fr. Edward Dantis ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang paraan ng ating pagkakanulo sa Diyos ay hindi sa pera lamang. Kundi anumang bagay, maging tao, na mas binibigyan natin ng priyoridad o importansya kaysa sa Diyos. (Maaring ito ay ang ating trabaho o careers, ang ating ambisyon, ang ating mga tagumpay, materyal na pag-aari at iba pa. Pero sa kabila ng maraming pagkakataong ipinagkanulo natin ang Panginoon sa ating buhay – hindi tayo tinatalikuran ng Diyos. Patuloy Niya tayong binibigyan ng pagkakataong matunton ang landas pabalik sa kanya.) Sa Mabuting Balita, alam ni Hesus na ipagkakanulo siya ni Judas. Pero hindi niya lubusan ibinunyag sa harap ng kanyang mga alagad kung sino sa kanila ang magkakanulo sa kanya. Marahil ayaw niyang mapahiya si Judas sa harapan nila. Ganun na lamang ang pagkahabag ni Hesus sa mga makasalanan, maging kay Judas na magbubulid sa kanya sa kapahamakan. Kung inimbitahan ni Hesus si Judas na maging bahagi ng kanyang piging, maaring iniimbitahan ka rin niya ngayon na maging bahagi ng kanyang iniaalok na kaligtasan. Ano ang tugon mo sa kanyang paanyaya? (Ngayong Martes Santo, samahan natin ang Panginoon sa kanyang pagkabagabag at kalungkutan dahil ipagkakanulo siya ng tinuturing niyang isang alagad at kaibigan. Ipagkaisa natin sa kanya, ang mga karanasan natin ng kalungkutan, poot at galit, dahil sa mga pagkanulo at pagtataksil na naranasan natin, mula sa ating mahal sa buhay at kaibigan. Hilingin natin sa Panginoon na hilumin tayo, sa sobrang sakit na naranasan natin, at turuan tayong magpatawad, Amen.)