Ebanghelyo: Matthew 5:17-19
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n’yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-kaganapan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nagbabago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magtuturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”
Pagninilay:
Ang kasaysayan ng mga Hudyo ay nakabase sa Kautusan. Ito ay pagsunod o pagsasa-buhay ng mga nasusulat sa tinatawag na Torah. Ano ba ang Torah sa Bibliya? Ito ang unang limang aklat sa Lumang Tipan: Genesis, Exodus, Leviticus, Numbers at Deuteronomy. Maari ring tawagin itong Pentateuch o the Five books of Moses. Mahalaga ang Kautusan sa mga Hudyo dahil ito ang kanilang gabay kung paano sila nabubuhay. Sa pagsunod dito rin sinusukat ang kanilang katapatan sa Diyos. Subalit nagkamali ang mga Hudyo sapagkat hindi nila pinakinggan ang tinig ng mga propeta. Si Jesus ang Salita ng Diyos na nagkatawang-Tao. Si Jesus ang kaganapan ng Pangako, at lahat ng mga sinabi ng mga Propeta ay patungkol sa kanya.
Sinabi ni Jesus na naparito siya hindi upang ipawalang-bisa ang Kautusan kundi upang tuparin ito. “Tandaan ninyo: maglalaho ang langit at ang lupa, ngunit ni isang tuldok o kudlit man ng Kautusan ay di mawawalan ng bisa hangga’t hindi natutupad ang lahat.”
Kapanalig, si Jesus ang Alpha at Omega. Ang simula at wakas. Kung niyayakap natin ang ating pananampalataya, tinutupad ang mga utos ng Panginoon, at nagtuturo sa ating kapwa upang tuparin nila ito, mabibilang tayo sa mga dakila sa kaharian ng Diyos.
Manalangin tayo: Panginoong Jesus, bigyan mo po ako ng lakas ng loob na isabuhay ang iyong mga utos, at ituro ito sa aking kapwa. Pagtibayin po ninyo ang aking pananalig sa araw-araw nang huwag akong igupo ng mga suliranin. Amen.