Is 65:17-21 – Slm 30 – Jn 4:43-54
Jn 4:43-54
Umalis si Jesus pa-Galilea… Pumunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum.
Nang marinig niya na dumating sa Galilea si Jesus mula sa Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong siya at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan.
Kaya sinabi ni Jesus tungkol sa kanya: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Jesus: “Umuwi ka na. Buhay ang anak mo.”
Nananalig ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Jesus at umuwi siya. At habang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya mula sa kanila kung anong oras siya gumaling at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una siya inibsan ng lagnat.” Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin ni Jesus: “Buhay ang anak mo.” At naniniwala siya pati ang buo niyang sambahayan.
Ginawa ni Jesus ang ikalawang tandang ito pagdating niya sa Galilea mula sa Judea.
PAGNINILAY
Ang ebanghelyong narinig natin, patunay na napakahalaga ng pagtanggap natin sa mga salita ni Jesus, dahil nagdudulot ito ng kaligtasan, kapayapaan at kagalakan. Ang pagtalima ng opisyal ng hari sa sinasabi ni Jesus at ang pananalig niya sa salita ng Panginoon, sapat na upang makamit ang kanyang hinihiling na kagalingan para sa kanyang anak. Ang katatagan niyang ito sa kanyang pananalig, naging dahilan din ng paniniwala ng lahat niyang kasamahan. Nakakahawang tunay sa mga nakakikita at nakaririnig ang matibay nating pananampalataya kay Jesus. Mga kapatid sa ating buhay espirituwal gaano ba kabisa ang Salita ng Panginoon na araw-araw nating pinakikinggan at pinagninilayan? Nakikita ba sa ating buhay ang epekto nito? Nananatili ba tayong matatag at nakakapit sa Panginoon sa kabila ng mga pagsubok na dinaranas natin? Alalahanin natin ang sinabi ni San Pablo apostol na tapat ang Diyos sa Kanyang pangako at hinding-hindi Niya tayo susubukin nang higit sa ating makakaya. Sa halip, sa bawat pagsubok na dumarating sa atin bibigyan Niya tayo ng lakas upang mapagtagumpayan iyon. Manalangin tayo. Panginoon, patatagin Mo po ang aking pananampalataya nang huwag akong sumuko sa gitna nang mga kinakaharap kong pagsubok. Amen.