JUAN 13:21-33, 36-38
Nabagabag sa kalooban si Jesus, at nagpatotoo: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo: Ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Nagtinginan ang mga alagad at hindi nila malaman kung sino ang tinutukoy niya. Nakahilig sa dibdib ni Jesus ang isa sa kanyang mga alagad, ang mahal ni Jesus. Kaya tinangunan ito ni Simon Pedro para usisain si Jesus kung sino ang kanyang tinutukoy. Kaya paghilig niya sa dibdib ni Jesus, sinabi niya sa kanya: “Panginoon, sino ba iyon?” Sumagot si Jesus: “Iyon siyang ipagsasawsaw ko ng kapirasong tinapay at siya kong bibigyan.” At pagkasawsaw ng kapirasong tinapay, ibingay niya iyon kay Judas, anak ni Simon Iskariote. Kasama ng kapirasong ito, pumasok sa kanya si Satanas. Kaya sinabi sa kanya ni Jesus: “Gawin mo agad ang gagawin mo.” Walang nakaunawa sa mga nakahilig sa hapag kung bakit sinabi niya iyon sa kanya. Dahil hawak ni Judas ang pananalapi, inakala ng ilan na sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumili ka ng mga kailangan natin para sa Piyesta,” o kaya’y “Mag-abuloy ka sa mga dukha.” Kaya pagkakuha niya ng kapirasong tinapay, agad siyang lumabas. Gabi noon. Pagkalabas ni Judas, sinabi ni Jesus: “ Niluwalhati na ngayon ang Anak ng Tao, at niluwalhati rin sa kanya ang Diyos. At luluwalhatin sa kanya ang Diyos, at agad niya siyang luluwalhatiin. Mga munting anak, sandali na lamang ninyo akong kasama. Hahanapin ninyo ako, ngunit gaya ng sinabi ko sa mga Judio: ‘Hindi kayo makaparoroon kung saan ako pupunta,’ sinasabi ko rin sa inyo ngayon. Sinabi sa kanya ni Simon Pedro: “Panginoon, saan ka papunta?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Hindi ka makasusunod ngayon sa akin sa pupuntahan ko; susunod ka pagkatapos.” Winika sa kanya ni Pedro: “Panginoon, bakit hindi kita masusundan ngayon? Maiaalay ko ang aking buhay alang-alang sa iyo.” Sumagot si Jesus: “Maiaalay mo ang iyong buhay alang-alang sa akin? Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, hindi titilaok ang manok hanggang maitatuwa mo akong makaitlo.”
PAGNINILAY:
Mula pa rin kay Sr. Lyn Lagasca ang pagninilay ngayon… Narinig nating sinabi ni Jesus kay Judas na madaliin ang kanyang gagawin. Alam nyang buo na ang loob ni Judas na siya’y ipagkakanulo…Hihiwalay na siya sa landas na inumpisahang tahakin ni Jesus. Ipinakita ni Jesus kay Judas at mga kasamahang apostol kung paano mamuhay ng ayon sa Diyos at himukin ang iba na sumunod sa Kanya. Pero tila may kabalintunaan ito. Sa dinami-daming mga paraan at halimbawa na ipinakita ni Jesus sa kanila, tila lalo naman silang nabubulag sa katotohanan. Mga kapanalig, ganito rin ang maaring mangyari sa atin kung paiiralin natin ang katigasan ng puso at makikinig tayo sa hila at pita ng laman. Sa halip na labanan ito, lalong nagagatungan dahil sarili natin ang pinakikinggan. Panginoon Jesus, maraming pagkakataon na ipinakikita Mo sa akin kung paano sumunod sa kalooban ng Diyos Ama… pero malimit po, sarili ko ang aking sinusunod. Patawad po… Sa tulong ng Espiritu Santong nananahan sa akin, makasunod nawa ako Sa’yong itinuturo. Amen.