Daughters of Saint Paul

MARSO 27, 2020 –BIYERNES SA IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Juan 7:1-2, 10, 25-30

Naglibot si Jesus sa Galilea. Ayaw niyang maglibot sa Judea dahil pinagtatangkaan siyang patayin ng mga Judio. Malapit na ang Piyesta ng mga Judio, na piyesta ng mga Kubol. Pagkaahon ng mga kapatid niya sa piyesta, siya man ay umahon din ngunit palihim at hindi lantad. Kaya pinagsasabi ng ilan sa mga taga-Jerusalem: “Hindi ba ito ang balak niyang patayin? Pero tingnan n’yo lantaran siyang nangungusap, at wala silang anumang sinasabi sa kanya. Totoo kayang alam ng mga pinuno na siya ang Kristo? Pero alam natin kung saan siya galing. Ngunit pagdating ng Kristo, walang makaaalam kung saan siya galing.” Kaya nang mangaral si Jesus sa Templo, sumigaw siya: “Kilala n’yo nga ako at alam n’yo kung saan ako galing! Ngunit hindi ako pumarito sa ganang sarili ko. Sinugo ako ng Totoo na di ninyo kilala. Kilala ko naman siya sapagkat galing ako sa kanya at siya ang nagsugo sa akin.” Pinagtatangkaan nilang dakpin siya ngunit walang nagbuhat sa kanya ng kamay sapagkat hindi pa sumasapit ang kanyang oras. 

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Fr. Ramil Tapang ng Society of St.Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. “Prusisyon, Nazareno, pagsayaw sa obando, pabasa, stations of the cross… ” Ilan lang ang mga ito sa mga nakagisnang debosyon ng mga mananampalatayang Katoliko kung hindi man sa buong Mundo ay dito sa ating bansa. Mahalaga ang mga debosyon! Nagsisilbing daluyan ang mga ito ng mensahe at pag-ibig ng Panginoon; paraan din ang mga ito ng pagtugon at sakripisyo sa Kanyang pagmamahal. Mga kapatid, ang pagiging deboto ay hindi nangangahulugan ng pagiging panatiko. Ang ibig sabihin ng pagiging deboto ay maging Tapat sa Diyos. Tapat na isabuhay at ibahagi ang pagmamahal ng Diyos.  Sa Ebanghelyo, si Jesus ay isang deboto ng kanyang panahon. Hindi siya panatiko. Naniniwala siya sa halaga ng mga ito bilang pagkakataong maging tapat sa Mabuting Balita. Kahit alam niyang may panganib sa kanyang buhay, pumunta pa rin Siya sa Jerusalem para sa taunang Feast of the Tabernacles also known as Feast of the Booths o Sukkot sa salitang Hebreo. Ang debosyong ito ay pasasalamat sa magandang Ani at pag-aalala sa walang sawang paggabay ng Diyos sa mga Israelita tungo sa lupang pangako. Ikaw ano ang mga debosyong iyong ginagawa? Nauunawaan mo ba ang mga ito? 

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan mo po akong maunawaan ang mga debosyon. Nawa’y mapagtanto ko na ito ay mga daluyan mo ng iyong mensahe; at aking tugon ng iyong pagmamahal. Amen.