Daughters of Saint Paul

Marso 28, 2017 MARTES sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma / Santa Gwendolina

 

Ez 47:1-9, 12 – Slm 46 – Jn 5:1-16

Jn 5:1-16

May piyesta ng mga Judio at umahon si Jesus pa-Jerusalem. May isang paliguan sa Jerusalem na kung tawagin sa Hebreo’y Betsata, na malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo na naghihintay sa pagkilos ng tubig. Sapagkat bumababa paminsan-minsan ang Anghel ng Panginoon at kinakalawkaw ang tubig. At ang unang makalusong  matapos makalawkaw ang tubig ay gumagaling sa kahit anong sakit.

            Naroon ang isang taong tatlumpu't walong taon nang may sakit.

            Nakita ni Jesus ang taong ito na nakahandusay at alam miyaa na matagal na ito roon. Kaya sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?”  Sumagot sa kanya ang mga maysakit: “Ginoo, wala akong taong makapaghahagis sa akin sa paliguan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon pa ako, lumulusong na ang iba at nauuna sa akin.”

            Sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad!”  At dagling umigi ang tao, binuhat niya ang kanyang higaan at lumakad.

            Araw nga ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan. Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa akin:  'buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”  Tinanong nila siya:  “Sino ba ang nagsabi sa iyong 'magbuhat ka nito at maglakad'?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakaalis na si Jesus dahil maraming tao sa lugar na iyon.

            Pagkatapos nito natagpuan siya ni Jesus sa Templo at sinabi niya sa kanya:  “Tingnan mo, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.”  Umalis ang tao at ipinahayag sa mga Judio na si Jesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat sa Araw ng Pahinga niya ito ginawa.

PAGNINILAY

Malimit nating marinig sa mga matatanda ang ganitong payo, “Ayan, sana naman magtanda ka na!”  na ang ibig sabihin kung nadapa ka nang minsan, sikapin mong huwag nang madapang muli.  Kung naloko ka sa unang pagkakataon, huwag mo nang hahayaang may manloko ulit sa’yo sa ikalawang pagkakataon.  Mga kapatid, malinaw ang mensahe ng Panginoong Jesus sa atin ngayon, na kung tayo’y pinatawad na sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng sakramento ng kumpisal, sikapin nating huwag nang magkasala pa muli.  Magagawa natin ito sa palagiang pananalangin, pagsusuri ng budhi at pag-iwas sa mga okasyong magbubulid sa atin sa pagkakasala.  Manalangin tayo.  Panginoon, patatagin Mo po ang aking pananampalataya nang maiwasan ko ang magkasala at mapaglabanan ang tuksong magpapahamak sa aking kaluluwa.  Amen.