MATEO 26:14-25
Pumunta sa mga Punong-pari ang isa sa Labindalawa, ang tinatawag na Judas Iskariote, at sinabi: “Magkano ang ibibigay ninyo sa akin kung ibibigay ko siya sa inyo? Inalok nila ito ng tatlumpung baryang pilak, at mula noon, naghanap ito ng pagkakataong maipagkanulo siya. Sa unang araw ng Piyesta ng Tinapay na Walang Lebadura, lumapit kay Jesus ang mga alagad at sinabi sa kanya: “Saan mo kami gustong maghanda ng Hapunang Pampaskuwa para sa iyo?” Sumagot si Jesus: “Puntahan ninyo ang lalaking ito sa lunsod at sabihin sa kanya: 'Sinabi ng Guro: malapit na ang oras ko at sa bahay mo ako magdiriwang ng Paskuwa kasama ng aking mga alagad.'” At ginawa ng mga alagad ang lahat ng iniutos ni Jesus at inihanda ang Paskuwa. Pagkalubog ng araw, nasa hapag si Jesus kasama ng Labindalawa. Habang kumakain sila, sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: ipagkakanulo ako ng isa sa inyo.” Lubha silang nalungkot at nagtanong ang bawat isa: “Ako ba, Panginoon?” Sumagot siya: “Ang kasabay kong nagsawsaw ng tinapay sa plato ang magkakanulo sa akin. Patuloy sa kanyang daan ang anak ng Tao ayon sa isinulat tungkol sa kanya ngunit kawawa ang nagkakanulo sa Anak ng Tao; mas mabuti pa para sa taong ito kung hindi na siya ipinanganak pa.” Nagtanong din si Judas na magkakanulo sa kanya: “Ako ba, Guro?” Sumagot si Jesus: “Ikaw na ang nagsabi.”
PAGNINILAY:
Ibinahagi pa rin ni Sr. Lyn Lagasca ang pagninilay sa Ebanghelyo. Bumigay na si Judas sa kanyang planong ipagkanulo ang Panginoon, sa presyong katapat ng kanyang pagbuwag sa hindi pa matapat na pakikipag-ugnayan at pakikipagkaibigan kay Jesus. Bagama’t hindi sya naging matapat, handa pa rin sana syang patawarin at bigyang ng second chance ng Panginoon. Pero ang pagpili nya sa maling landas, ang naglayo sa kanya sa mga grasyang nakalaan sana para sa kanya, sa buhay na mas ganap at kasiyasiya na nagmumula lamang sa Diyos. Sayang…sayang ang mga pagkakataong ganito na isinasantabi natin ang mga ukol na biyayang makakatulong sana sa ating paglago bilang tao na may malaking ugnayan sa ating Diyos at sa bawat isa. Mga kapanalig, napapanahon na po na huwag nating sayangin ang mga biyayang kaloob ng mapagkalinga nating Diyos para sa ating kapakanan at ng ating mga mahal sa buhay at kapwa…para makapamuhay tayong kalugodlugod sa Kanya. Panginoon, nawa’y piliin namin palagi ang tumanggap sa mga nakalaan Mong grasya para sa ikabubuti namin. Amen.