Daughters of Saint Paul

MARSO 28, 2020 – SABADO SA IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Juan 7:40-53

May nagsabi mula sa maraming taong nakarinig sa mga salita ni Jesus: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Kristo.” Ngunit itinanong ng iba: “Sa Galilea ba manggagaling ang Kristo? Hindi ba’t sinabi ng Kasulatan, na mula sa binhi ni David ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat ng kamay sa kanya. Kaya bumalik ang mga bantay ng Templo sa mga Punong-pari at mga Pariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila: “Bakit hindi n’yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma’y wala pang nangusap nang ganito.” Kaya sinabi ng mga Pariseo sa kanila: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong naniwala sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: sila’y isinumpa! Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Jesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig upang alamin ang kanyang ginawa? Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo nga at tingnan na hindi babangon mula sa Galilea ang Propeta.” At umuwi ang bawat isa sa kanila.

PAGNINILAY:

(Isinulat ni Sem. Jess Madrid ng San Carlos Seminary ang pagninilay sa Ebanghelyo.) Ang nais kong pagtuunan ng pansin sa Mabuting Balita ngayon ay ang kahalagahan ng pakikinig. Narinig natin sa Mabuting Balita na ng dahil sa pakikinig kay Hesus nalaman ng mga tao na siya na nga ang hinihintay. Sa pamamagitan ng pakikinig tunay na makikilala si Hesus, tunay na mapapalalim ang ugnayan, tunay na titibay ang paniniwala. Kung hindi tayo nakikinig sa Kanya hindi natin siya makilala at hindi natin malalaman ang kanyang mensahe ng pag-ibig, pagpapatawad, at pagliligtas. Kung sarado ang ating mga tainga, puso at isipan ang mangyayari ay pagtatakwil at pagtatanggi at pagdududa sa Kanya. Hindi papasok sa buhay ang tunay na kaligayahan. Kaya ang paanyaya ngayong panahon ng Kuwaresma, makinig! Tanggalin ang humaharang sa puso at sa isipan upang tuluyang marinig at matanggap ang mensaheng dala ni Hesus.  Amen.