EBANGHELYO: Mk 11:1-10
Malapit na sa Jerusalem ang maraming taong sumusunod kay Jesus. At pagdating nila sa Betfage at Betania sa may bundok ng mga Olibo, Inutusan ni Jesus ang dalawa sa kanyang mga alagad “Pumunta kayo sa kabilang ibayo at may makikita kayo roong isang asnong nakatali na di pa nasasakyan ninuman,kalagan niyo ito at dalhin sa akin kung may magtanong sa inyo, Ano ang ginagawa ninyo sabihin ninyo kailangan ito ng Panginoon pero ibabalik din kaagad. Umalis sila at nakita ang asnong nakatali sa labas ng pintuan at kinalagan nila ito at sinabi sa kanila ng ilang naroroon, Bakit niyo kinakalagan ang asno? Isinagot nila ang sinabi ni Jesus at pinabayaan sila ng mga tao. Kaya dinala nila ang asno kay Jesus at isinapin dito ang kanilang mga balabal, at naupo rito si Jesus. Marami naman ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan at may iba pang naglatag ng mga sangang pinutol nila sa bukid. Sumisigaw ang mga taong nangunguna at sumusunod at sumusunod sa kanya ‘Hosanna mapalad ang dumarating sa ngalan ng Panginoon, mapalad ang dumarating na kaharian n gating ninunong si David. ‘Hosanna luwalhati sa kaitaasan
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Cl. Vinz Anthony Aurellano ng society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Iwinawagayway ngayon ng bayan ng Diyos ang mga palaspas. Tulad ng mga taong sumusunod noon kay Hesus sa kanyang pagpasok sa Jerusalem, magkatulad ang ating awit ngayon: “Hosanna sa Anak ni David!” Mga kapatid, ang buhay natin ay tulad ng isang palaspas. Punong-puno tayo ng buhay at sigla noong una. Darating ang mga araw na matutuyot, maalikabukan, susununugin ang mga palaspas at maaabo. (Gayundin naman sa ating pag-iral. May mga pagkakataong masigla tayo pero may mga pagkakataon ring matutuyot, maaalikabukan, at mababahiran ng kasalanan, maaabo o maglalaho tayo sa pagdanas natin sa araw-araw na “kamatayan.”) Pero hindi sa pagiging abo lamang natatapos ang isang palaspas. Kinukrus ito sa ating mga bumbunan at noo. Isang paalala na bagamat masigla, tuyot, maalikabok at nauuwi sa abo ang buhay, nagiging makabuluhan ito kung sinasamahan natin lagi si Hesus. Mga kapatid, samahan nawa natin si Hesus sa kanyang pagtawid sa Krus tungo sa kanyang pagkabuhay. Gumawa ng panibagong yugto ang Amang may akda ng lahat sa kabila ng ating pagkakasala: ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak na si Hesus, upang maiangat tayong muli sa buhay sa piling niya. Samahan natin si Hesus!