Daughters of Saint Paul

MARSO 28, 2022 – LUNES SA IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

Pagpapala at kapayapaan, mga kapanalig!  Kahanga-hanga ang Diyos. Salamat sa handog Niyang Lunes . Si Sr. Gemma Ria po ito, mga kapanalig. Isang madre ng Daughters of St. Paul. Sa Mabuting Balita, dadalhin  tayo ng ating Mahal na Hesus Maestro sa dalawang tagpo sa Galilea, naging alak ang tubig at pinagaling ang maysakit mula sa bingit ng kamatayan.  Mula sa mga nagpapahirap sa  atin ngayon, humango tayo ng pag-asa mula sa Mabuting Balita ayon kay San Juan kabanata apat, talata apatnpu’t tatlo hanggang limampu’t apat.  

EBANGHELYO: JUAN 4:43-54

Umalis si Hesus pa-Galilea. Nagpatotoo nga si Hesus na hindi pinararangalan ang isang propeta sa sariling bayan. Gayon pa man, pagdating niya sa Galilea, tinanggap siya ng mga Galileo dahil nasaksihan nila ang lahat ng ginawa niya sa Piyesta sa Jerusalem. Naroon nga mismo sila sa Piyesta. Pumunta siyang muli sa Kana ng Galilea, doon niya ginawang alak ang tubig. At nangyari, na ang anak na lalaki ng isang opisyal ng hari ay maysakit sa Capernaum. Nang marinig niya na dumating sa Galilea si Hesus mula sa Judea, pinuntahan niya siya at ipinakiusap na lumusong s’ya at pagalingin ang kanyang anak na nasa bingit ng kamatayan. Kaya’t sinabi ni Hesus tungkol sa kanya: “Hangga’t hindi kayo nakakakita ng mga tanda at mga kababalaghan, hindi kayo maniniwala.” Sinabi naman sa kanya ng opisyal: “Ginoo, lumusong ka bago mamatay ang anak ko.” At sinabi sa kanya ni Hesus: “Umuwi ka na. Buhay ang anak mo.” Nananalig ang tao sa salitang sinabi sa kanya ni Hesus at umuwi siya. Nang palusong na siya, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing buhay ang anak niya. Inalam niya mula sa kanila kung anong oras siya gumaling at sinabi nila: “Kahapon po nang ala-una siya inibsan ng lagnat.” Kaya nalaman ng ama na ito ang oras nang sabihin ni Hesus: “Buhay ang anak mo.” At naniwala siya pati ang buo niyang sambahayan. Ginawa ni Hesus ang ikalawang tandang ito pagdating niya sa Galilea mula sa Judea.

PAGNINILAY

Naghanap ng kababalaghan at tanda. Kaya sinumbatan sila ni Hesus. Ano pa nga ang inaasahan nila? Ganunpaman, patuloy na nagpagaling si Hesus sa may karamdaman sa kapangyarihan ng Kanyang Salita. ito ng kanyang malaking malasakit sa mga may malulubhang sakit. Kalakip ng tagpong ito, nang may pinuno ng pamahalaan sa Capernaum na dinayo si Hesus sa Galilea. Hiniling niya na sumama si Hesus sa Kanya para pagalingin ang kanyang anak. Pero, sa halip na sumama si Hesus, nagbigkas Siya na “Umuwi na kayo. Magaling na ang inyong anak.”  Naniwala ang opisyal. Kaya, habang papauwi, sinalubong siya ng kanyang mga alipin at sinabing magaling na ang kanyang anak. Kamangha-mangha! Kapanalig (kapatid) hanggang saan ang pananalig natin sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos? Kung may dinaramdam ka ngayon, dahil may na-diagnose ang doctor mula sa humihina mong kalusugan, o ano mang naging positive result na kailangan mo ng lunas, narito si Hesus. Kaya Niyang lupigin ang ano mang karamdaman. Magtiwala.  Magpasya na tanggapin si Jesus na Siyang tunay na Nagpapagaling. Jesus is the Greatest Miracle of the universe!  Pinapagaling Niya tayo hindi lang sa ating pisikal na karamdaman, kundi sa ating humihinang kalooban. Lumapit tayo kay Jesus nang may kababaang loob upang bigyan Niya tayo ng sapat na biyaya na higit nating kinakailangan. Ano mang hirap, sa panahon ni Hesus kamangha-mangha ang magaganap.