EBANGHELYO: Jn 13:1-15
Bago magpiyesta ng Paskuwa, alam ni Jesus na dumating na ang kanyang oras para tumawid sa mundong ito patungo sa Ama, at siya na nagmahal sa mga sariling kanya na nasa mundo, minahal niya sila hanggang sa katapusan. Naghahapunan sila at naipasok na ng diyablo sa isip ni Judas na anak ni Simon Iskariote, na ipagkanulo siya. Alam ni Jesus na ipinagkaloob ng Ama sa kanyang kamay ang lahat, at mula sa Diyos siya galing at sa Diyos siya pabalik. Kaya tumindig siya mula sa hapunan at hinubad ang tunika, at pagkakuha ng tuwalya ay ibinigkis sa sarili. Pagkatapos ay nagbuhos siya ng tubig sa hugasan, at nagpasimulang hugasan ang mga paa ng mga alagad at punasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. Kaya nang mahugasan niya ang kanilang mga paa, kinuha niya ang kanyang tunika, bumalik sa hapag at nagsalita sa kanila: “Nalalaman ba ninyo kung ano ang ginawa ko sa inyo? Kayo’y tumatawag sa aking ‘Guro’ at ‘Panginoon.’ Tama ang pagsasabi ninyo, dahil ako nga. Kaya kung hinugasan ko ang inyong mga paa, ako na siyang Panginoon at siyang Guro, gayundin naman kayo dapat maghugasan ng mga paa ng isa’t isa.” “Isang halimbawa ang ibinigay ko sa inyo upang gawin ninyo gaya ng ginawa ko sa inyo.”
PAGNINILAY:
Isinulat ni Fr. JK Malificiar ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Naalala pa ba ninyo ang pagbisita sa bansa natin ni Pope Francis? Noong taong 2015, habang nandito si Pope Francis sa bansa natin, binisita siya ng kanyang mga kapatid na Heswita sa kanyang tinutuluyang bahay. Bago umuwi ang mga Heswitang Pilipino, meron silang inihandog na kanta para sa mahal na santo papa, ang Amare et Servire, “To love and Serve the Lord”. Simple, pero malalim ang mensahe ng kanta, at ito rin ang ipinahahayag ni Hesus sa araw na ito: In everything, love and serve the Lord. Ito ang nagbigay ng mahabang pasensya kay Hesus, sa kahinaan ng pag-unawa ng mga alagad sa Kanyang mga salita, habang itinatag niya ang Banal na Eukaristiya. Gayundin, pagmamahal at paglilingkod ang dahilan, kaya hindi inalintana ng Panginoon ang marumi at mabahong paa ng Kanyang mga alagad na buong kababaang-loob niyang hinuhugasan. Sadyang mas malakas ang pag-ibig ng Diyos sa kabila ng ating mga kahinaan dahil sa kasalanan. Kaya, katulad ni Hesus, kung ninanais natin na palaging masaya, malakas at hindi mapagod gumawa ng kabutihan, gawin natin ito nang may buong-pusong pagmamahal at paglilingkod sa Diyos at kapwa. Amen.