Daughters of Saint Paul

Marso 28, 2025 – Biyernes sa Ika-3 Linggo ng Apatnapung Araw na Paghahanda

MARCOS 12:28–34

May isang guro ng Batas na nakarinig sa pagtatalo ni Jesus at ng mga Sadduseo. Nang mapansin niyang tama ang sagot ni Jesus sa mga Sadduseo, lumapit siya at nagtanong kay Jesus: “Ano ang una sa lahat ng utos?” Sumagot si Jesus: “Ito ang una: ‘Makinig nawa, O Israel! Iisa lang ang Panginoong nating Diyos. At mamahalin mo ang Panginoon mong Diyos nang buo mong puso, nang buo mong kaluluwa, nang buo mong pag-iisip at nang buo mong lakas.’ At pangalawa naman ito: Mamahalin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili. Wala nang utos na mas mahalaga pa sa mga ito.” Kaya sinabi ng guro ng batas: “Mabuti, Guro, totoo ang sinabi mong isa Siya at wala na maliban sa Kanya. At nang mahalin Siya ng buong puso, nang buong kaluluwa at nang buong lakas, at mahalin din ang kapwa gaya ng sarili ay mas mahalaga kaysa mga sinunog na handog at mga alay.” Nakita ni Jesus na tama ang sinabi nito kaya sinabi niya: “Hindi ka malayo sa Kaharian ng Diyos.” At wala nang nangahas na magtanong sa kanya.

Pagninilay:

Sa Mabuting Balita ngayon, inihayag ni Hesus ang dalawang pinakamahalagang utos na kailanma’y di mapaghihiwalay. “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, nang buong kaluluwa, nang buong pag-iisip at nang buong lakas. Ito ang una. Ang ikalawa ay: Ibigin mo ang iyong kapwa tulad sa iyong sarili. Walang ibang utos na higit na dakila pa sa mga ito.” Tayo ay nilikha ng Diyos na kawangis n’ya dahil sa mahal N’ya tayo. Likas sa ating katauhan ang pag-ibig.

Sabi ng isang awit, “Sino’ng may pag-ibig, sino’ng nagmamahal. Kundi ang tao, Diyos ang pinagmulan. Kundi ako umibig. Kundi ko man bigyang halaga. Ang buhay na handog. Ang buhay ko’ng hiram sa Diyos. Kundi ako nagmamahal sino ako?

Kapanalig, sino o ano ba ang ating minamahal at pinagbubuhusan ng ating panahon at lakas? Ang atin bang trabaho, hobbies, sports, pets, bisyo o sarili? Sana naman ang prioridad natin ay ang ating pamilya, involvement sa parokya o mga gawaing pagkawang-gawa. Ating pakatandaan na hindi natin masasabing mahal natin ang Diyos na di natin nakikita kung hindi natin mamahalin ang ating kapwa na ating nakikita. Ang pag-ibig ay hindi isang emosyon kundi isang desisyon. Ito ay commitment na hangarin at gawin ang kabutihan ng ating kapwa.

Manalangin tayo: Panginoon, turuan mo akong magmahal. Makita nawa kita sa aking kapwa upang sa aking paglilingkod ay maipakita ko na ikaw ang aking minamahal at pinaglilingkuran. Amen.