Daughters of Saint Paul

Marso 29, 2017 MIYERKULES sa Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma / Santa Gladys

 

Is 49:8-15 – Slm 145 – Jn 5:17-30

Jn 5:17-30

Sumagot si Jesus sa mga Judio: “Kumikilos pa rin ang aking Ama kaya’t kumikilos din ako.”  Kayat lalo pa ring hinangad ng mga Judio na patayin siya dahil dito, sapagkat hindi lamang niya nilalabag ang Araw ng Pahinga, kundi sariling Ama pa ang tawag niya sa Diyos, at ipinapantay niya ang sarili sa Diyos.

            Kaya sumagot si Jesus at sinabi sa kanila: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, hindi ang Anak makagagawa ng anuman mula sa kanyang sarili maliban sa nakikita niyang ginagawa ng Ama. Anuman ang gawin niya, paganoon din ang paggawa ng Anak. Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at itinuro niya sa kanya ang lahat niyang gingawa. At mas mahalaga pang mga kilos ang ituturo niya kayat magtataka kayo.

            Ibinabangon nga ng Ama ang mga patay at nagbibigay-buhay siya; gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang loobin niya. At hindi nga hinahatulan ng Ama ang sinuman, kundi ibinigay niya ang buong paghatol sa Anak, upang parangalan ng lahat ang Anak gaya ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Amang nag-sugo sa kanya.

             Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na may buhay na walang hanggan ang nakikinig sa salita ko at naniniwala sa nagsugo sa akin. Nakatawid na siya mula sa kamatayan tungo sa buhay, at hindi siya humahantong sa paghuhukom.

Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na dumarating na ang oras, at ngayon na nga, kaya’t maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Tao at mabubuhay ang mga nakaririnig.

            May Buhay ang Ama sa kanyang sarili, gayundin naman ibinigay niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili. At ibinigay din niya sa kanya ang kapangyarihang maghukom, sapagkat anak siya ng tao.

            Huwag ninyo itong pagtakhan: dumarating ang oras na maririnig ng lahat ng nasa libingan ang tinig niya at maglalabasan sila: papunta sa pagbangon sa buhay ang mga gumawa ng mabuti, at sa pagbangon naman sa kapahamakan papunta ang mga gumawa ng masama.

            Wala akong magagawa sa ganang sarili. Naghuhukom ako ayon sa aking naririnig. At matuwid ang paghuhukom ko sapagkat hindi sariling kalooban ang hinahanap ko kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”

PAGNINILAY

Mga kapatid, paano mo maipapaliwanag ang lasa ng isang pagkain sa taong hindi pa nakakatikim nito kailanman?  Paano mo ilalarawan ang kulay ng langit sa taong ipinanganak na bulag?  O paano mong iparirinig sa isang bingi ang paborito mong awit?  Ang mga katanungang ito patunay lamang na hindi lubos maipaliwanag ng salita ng tao ang mga bagay na lampas sa limitadong kahulugan ng mga salita, at karanasan lamang ang makapagpapaliwanag.  Isa na rito ang relasyon ni Jesus sa Kanyang Ama – iisa ang bunga ng kanilang salita, ang magkaroon ng buhay.  Ngayong Kuwaresma, inaasahan tayong makinig sa tinig ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesus sa tulong ng Banal na Espiritu.  Tinig na gumagabay sa atin sa malalim na pakikipag-ugnayan sa Kanya.  Tinig na magdadala sa atin sa kaligtasan.