Daughters of Saint Paul

MARSO 29, 2020 – IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Juan 11:1-45    (o 11:3-7, 17, 20-27, 33b-45)

Pagdating ni Jesus, apat na araw na palang nakalibing si Lazaro. sinabi ni Marta kay Jesus, “Panginoon, kung naririto ka, hindi sana namatay ang kapatid ko. Subalit kahit na ngayong, alam kong anumang hilingin mo sa Diyos ibibigay ito sa iyo ng Diyos.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Babangon ang kapatid mo.” Sumagot sa kanya si Marta: “Alam ko na babangon siya sa muling pagkabuhay sa huling araw. Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ako ang muling  pagkabuhay (at ang buhay!) Mabubuhay ang naniniwala sa akin kahit na siya ay mamatay. Hinding-hindi mamamatay ang bawat nabubuhay sa paniniwala sa akin.” Nabagabag ang loob ni Jesus at nagpunta siya sa libingan. Isang yungib yon, at may batong nakatakip doon. Kaya sinabi ni Jesus: “Alisin ninyo ang bato.” Sinabi sa kanya ni Martang kapatid ng yumao: “Panginoon, nangangamoy na siya sapagkat apat na araw na.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Hindi ba sinabi ko sa iyo, na kung maniniwala ka, masasaksihan mo ang kaluwalhatian ng Diyos?”At inalis nila ang bato. Tumingala naman si Jesus at sinabi: “Ama, pinasasalamatan kita sapagkat dininig mo ako. Alam ko na lagi mo akong dinidinig, subalit dahil sa mga taong nakapaligid ako nangusap upang maniwala  sila na ikaw ang nagsugo sa akin.” Pagkasabi niya nito, sumigaw siya ng buong lakas: “Lazaro, halika sa labas!” Lumabas ang namatay na natatalian ang mga paa at kamay ng telang panglibing, at napupuluputan din ang mukha niya. At sinabi sa kanila ni Jesus: “Kalagan ninyo siya at bayaan siyang lumakad.”Kaya marami sa mga Judio na sumama kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Jesus ay naniwala sa kanya.  

PAGNINILAY:

Mga kapatid, hindi natin mapag-uusapan ang pagkabuhay na muli kung walang kamatayan. Kailangan ka munang mamatay bago ka mabuhay muli, di ba? Napatunayan natin ito sa maraming karanasan ng pagsubok na nalagpasan natin sa tulong ng Diyos.  Nakakararanas tayo ng sobrang hirap at sakit na halos ikamatay natin… Pero, salamat sa Diyos! Napagtagumpayan natin ang pagsubok at hindi naman tayo namatay.  Sa Ebanghelyo ngayon, makikita natin si Jesus na kusang ipinagpaliban ang kanyang pagpunta sa Betanya, kahit na alam niyang malubha ang karamdaman ng Kanyang kaibigang si Lazaro. Kailangan munang mamatay si Lazaro upang maging mas matibay na patotoo ng pagkabuhay-na-muli ang pagbuhay ni Jesus sa kanya. Para mabigyang patunay ang sinabi ni Jesus: “Ako ang pagkabuhay-na-muli at ako ang buhay,” kailangan muna niyang mapailalim sa dilim ng kamatayan upang magapi o mapagtagumpayan ito. 

PANALANGIN:

Panginoon, sa iyong pagkamatay sa krus, pinagpanibago mo ang mukha ng kamatayan. Tulungan mo kaming maunawaan na kailangan naming mamatay upang magapi ang kamatayan.  Amen.