Daughters of Saint Paul

MARSO 29, 2021 – LUNES SANTO

EBANGHELYO: Jn 12:1-11

Anim na araw bago mag-Paskuwa, pumunta si Jesus sa Betania, na kinaroroonan ni Lazaro na pinabangon ni Jesus mula sa mga patay. Kaya naghanda sila roon ng hapunan para sa kanya.  Naglilingkod si Marta at si Lazaro naman ay isa sa mga kasalo ni Jesus. Kinuha ni Maria ang isang libra ng mamahaling pabangong mula sa tunay na nardo at pinahiran niya ang mga paa ni Jesus at pinunasan ng kanyang buhok ang mga paa nito.  Napuno ng halimuyak ng pabango ang pamamahay. Sinabi ni Judas Iskariote na isa sa kanyang mga alagad na siyang magkakanulo sa kanya: “Ano ito?  Maipagbibili sana ang pabangong ito sa halagang tatlundaang denaryo para maibigay sa mga dukha.”  Sinabi niya ito, hindi dahil may malasakit siya sa mga dukha kundi dahil magnanakaw siya; hawak niya ang pananalapi at nangungupit doon. Kaya sinabi ni Jesus: “Bayaan mo na siya; inilaan na niya ito para sa araw ng paglilibing sa akin.  Kasama ninyong lagi ang mga dukha, ngunit hindi ninyo ako laging kasama.” Marami sa mga Judio ang nakaalam na naroon siya.  At dumating sila hindi dahil lamang kay Jesus kundi upang makita nila si Lazaro na pinabangon niya mula sa mga patay. Pinag-usapan naman ng mga Punong-pari ang pagpatay pati na kay Lazaro, sapagkat marami sa mga Judio ang lumilisan dahil sa kanya at naniniwala kay Jesus.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Nina Lorilla ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Siksik, liglig at umaapaw… ganyan magbigay ng biyaya si Lord satin. He always gives us the best. Tayo kaya, paano tayo nagbibigay sa Diyos at kapwa? Nag-aalay ba tayo ng ating pinaka the best katulad ng pagbuhos ni Maria sa paa ni Hesus ng mamahaling pabango, or sayang na sayang tayo sa kokonting tulong na ibibigay sa kapwa katulad ni Hudas Escariote na kunwari’y nanghinayang sa pabango na dapat sana’y naipagbili para sa mga pulubi? Minsan sa aking pagmimisyon sa isang parokya, naantig ang puso ko sa aking na-witness during the mass. Sa parte ng offertory, isa-isang nag line up ang mga parokyano na bitbit ang kanilang mga nakabalot na offerings. Bawat isa ay may bitbit ayun sa kanilang makakaya. (Napadako ang aking tingin sa isang lolo na hawak hawak ang isang napakalaking papaya na hindi man lang nakabalot. Nangilid ang aking luha sa nakitang iyon. Siguro yun ang the best na madadala nya at ma-iaalay sa altar para sa Diyos. Kung natuwa ako sa nakitang iyon, ano pa kaya ang Diyos na lubos na nakakaalam ng nilalaman ng kanyang puso?) Mga kapatid, sa Mabuting Balita ngayon, inihahanda na tayo ni Hesus sa malaking celebration ng kanyang pag-aalay ng sariling buhay sa Kalbaryo. Katulad natin, mahalaga din kay Hesus ang kanyang sariling buhay… pero, kusa at buong puso niya itong inalay para sa ating kaligtasan. Sa pagsimula natin sa celebration ng Holy Week, hilingin natin ang biyaya, na katulad ni Hesus, makapag-alay tayo ng ating sarili para sa Diyos at sa kapwa ng buong-buo, kusa at hindi naghihintay ng kapalit.  Amen.