Daughters of Saint Paul

MARSO 29, 2022 – MARTES SA IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

Mapagpalang araw ng Martes, mga kapanalig!  Habang isinasabuhay  natin ang diwa ng Kuwaresma, patuloy nating purihin ang Panginoon na nagpapa-ibis ng ating karamdaman! Ito po ang inyong kapanalig, (kapatid) si Sr Gemma Ria ng Daughters of st. Paul. Habang idinudulog natin sa ating Mahal na Hesus Maestro ang   hangad nating gumaling pakinggan natin  ang Mabuting Balita na ayon kay San Juan, sa ikalimang kabanata, unang talata  hanggang ikalabing-anim. 

EBANGHELYO: JUAN 5:1-16

Pagkatapos nito, may piyesta ng mga Judio at umahon si Hesus pa-Jerusalem. May isang paliguan sa Jerusalem na kung tawagin sa Hebreo’y Betsata, na malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo na naghihintay sa pagkilos ng tubig. Naroon ang isang taong talumpo’t walong taon ng may sakit. Nakita ni Hesus ang taong ito na nakahandusay at alam niya na matagal na ito roon. Kaya sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang maysakit: “Ginoo, wala akong taong makapaghahagis sa akin sa paliguan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon ako, lumulusong na ang iba at nauuna sa akin.”  Sinabi sa kanya ni Hesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad!” At dagling umigi ang tao, binuhat niya ang kanyang higaan at lumakad. Araw ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan. Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa akin: ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.’” Tinanong nila siya: “Sino ang nagsabi sa iyong: Magbuhat ka nito at maglakad?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakaalis na si Hesus dahil maraming tao sa lugar na iyon. Pagkatapos nito natagpuan siya ni Hesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Tingnan mo, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at ipinahayag sa mga Judio na si Hesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Hesus sapagkat Araw ng Pahinga niya ito ginawa.

PAGNINILAY

Nagtanong si Jesus, Nais mo bang gumaling? Natagpuan ni Jesus ang lalaking tatlumpu’t walong taong naghihirap bilang lumpo. Matagal nang naghintay na may bumuhat sa kanya sa tubig kapag kumalawkaw na. Alam ni Jesus ang sitwasyon ng lumpo, at ang nilalaman ng kaibuturan ng kanyang puso. Kaya si Jesus ang gumawa ng paraan at nagtanong,” Nais mo bang gumaling?”  Dumating na ang matagal na niyang hinihintay. Uhaw na gumaling. Ngayon tinatanggap na niya ang lunas na mula sa Diyos. Hindi na niya kailangang maghintay pa na gumalaw ang tubig. Hindi na rin niya kailangan na dalhin siya doon.  Si Jesus na ang buhay na Tubig na nagpapagaling. Si Jesus ang Tubig na lumalapit sa atin. Pakinggan natin ang kanyang Salita ng Buhay. (Stand-up, take up your mat and walk!) Tumindig ka, dalhin mo ang iyong higaan at lumakad ka.”